Tenorio laban sa 2021

Gagawing inspirasyon ni Philippine Basketball Association star Lewis Alfred ‘LA’ Tenorio ang mga pagpapala sa kanya sa taong ito ng pandemya para mas maging masigasig pa sa 46th PBA 2021 Philippine Cup na uumpisahan sa darating na Abril 9.
Pero habang bakasyon grande, inihayag Lunes ng pro league Iron Man sa kanyang Instagram account post, na samantalahin muna ang pagkakataon para gugulin ang kanyang panahon sa pamilya – asawa at apat na anak.
“Hintay-hintay pa kami kung anong mangyayari. Kung ano ang target ng management, saka namin malalaman,” wika ng 36-anyos, 5-9 ang taas at tubong Nasugbu, Batangas na beteranong point guard ng Barangay Ginebra San Miguel Gin Kings.
Kinopo ng crowd favorite team ang 45th PBA PH Cup title nitong December 9 sa Angeles, Pampanga bubble kung saan siya ang hinirang na Finals MVP.
Kakadiwang lang ng basketbolista at asawa sa ika-10 taong anibersaryo nitong Linggo at kabibinyag lang din sa bunsong anak na nag-iisang babae na si Solana Therese. (Lito Oredo)