Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tepok ang lamok

0 144

Bagaman all-year-round ang dengue, tuwing tag-ulan lumolobo ang bilang ng mga tinatamaan nito. Karaniwan kasing dumarami ang pinamumugaran ng lamok tuwing may stagnant water na posibleng dulot ng panaka-nakang buhos ng ulan.

Dito sa Tanza, Cavite, nagbabahay-bahay ang mga barangay health worker para magsagawa ng kitikiti survey.

Sa pahintulot ng may-ari ng bahay, pinapasok nila pati ang kasuluksulukan ng tahanan para mapuksa ang pinamumugaran ng kitikiti na kalauna’y magiging lamok na posibleng carrier ng dengue virus.

Kabilang sa mga nag-positibo sa kitikiti ang gulong ng sasakyan, timbang walang takip, tansan, pati ang baradong kanal.

Ayon kay Dr. Ruth Punzalan, Municipal Health Officer, Tanza LGU, “Hindi naman namin lahat mababantayan ang lamok. Kaya kailangan natin ang tulong ng bawat isang pamilya. Siguraduhin po natin ang loob at labas ng bahay ay di nagtatago, nag-iipon ng lamok.”

Sa latest monitoring ng RHU Tanza, labinlimang barangay na sa bayan ang may kumpirmadong kaso ng dengue. Sa kabuuan, umabot na sa 20 ang tinamaan ng sakit na ito.

Posibleng dumami pa raw ang nilang na ‘yan sa mga susunod na linggo at buwan kung hindi tutulong ang mga residente sa pagwasak sa pinamumugaran ng lamok, lalo’t mabilis daw magparami ang mga lamok.

Katunayan – ang isang babaeng lamok, kaya raw magparami ng hanggang dalawang daang itlog.

Kaya muling ipinaalala ng mga medical expert ang 4-S sa pagsugpo sa dengue: (1) Search and destroy, (2) Seek early consultation, (3) Self-protection at (4) Say yes to misting.

Bukod sa pagpuksa sa pinamamahayan ng kitikiti, importante ring agad na magpakonsulta sa doktor kung may sintomas ng dengue.

Protektahan din ang sarili sa kagat ng lamok. Magpahid ng mosquito-repellant lotion at magsuot din ng mga damit na may mahahabang manggas.

Ipinapayo rin daw ng mga eksperto ang misting dahil malaki ang maitutulong nito sa pagpuksa sa pinamumugaran ng lamok higit lalo sa mga lugar na may clustering o maraming dengue cases.

Importanteng agad na magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ng trangkaso. ‘Yan daw kasi ang early signs and symptoms ng dengue. Kabilang din sa sintomas nito ang lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng talukap ng mga mata, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagdurugo ng ilong at pagdurugo ng gilagid.

Huwag daw ipagwalang-bahala lalo na kung may bleeding nang naranasan ang pasyente. Ayon kay Dr. Punzalan, “Pag may dugo sa ilong, lumabas ang dugo sa gilagid, danger signs na po ‘yan, kailangan early signs and symptoms pa lang macheck-up na.”

Ang sa akin lang, nagsisimula ang pagpuksa sa dengue sa kaaya-ayang kapaligiran. Kaya marapat lang na panatilihin nating malinis ang ating mga tahanan para siguradong tepok ang lamok.

Leave A Reply

Your email address will not be published.