Abante Tonite Interactive

‘Terorista’ sa militar?

298

Maligayang Pasko sa inyong lahat at sa lahat ng ating mga dakilang kurimaw. Ngayong nakauwi na sa Pilipinas ang bago nating Miss Universe na si Catriona Gray, pokus na uli tayo sa mga problema ng bansa tulad ng mga nag­lipanang “trigger happy” sa lansangan.

Nitong nakaraang mga araw lang, isang taxi dri­ver ang basta na lang binaril ng dalawang lalaking nakasakay ng motorsiklo sa Maynila. Mabuti na lang at hindi nadamay ang pasahero o mga pasahero ng biktima na dapat sigurong maisailalim sa stress debriefing dahil sa nasaksihan nilang walang kakuwenta-kuwentang pagtapos sa buhay ng isang pobreng driver.

Sabi ng pasahero, mukha raw lasing ang mga salarin at posibleng napagtripan lang ang driver. Sa kuha ng CCTV, nakunan pa na sinasabayan ng mga salarin ang driver habang namamasada ng kaniyang taxi. At nang makakuha ng pagkakataon, inunahan nila ang taxi at tumigil sa harapan nito.

Natural na hindi na nakakaabante ang taxi. Dito na bumaba ang isang salarin, lumapit sa driver at ilang beses pinaputukan ang biktima bago tumakas. Ang mga ganitong kaso ang isa sa mga dapat tinatrabahong mabuti ng mga awtoridad natin. Napakadelikado sa kalye ng mga taong ito kaya dapat mahuli kaagad para sa kaligtasan ng iba, at mabigyan ng hustisya ang biktima.

***

Pero hindi lang ang mga pulis ang dapat ma­ging busy sa pag-iim­bestiga at paghuli sa mga kulokoy na kriminal kung hindi maging ang militar. Kung tutulog-tulog kasi sila, aba’y baka hindi nila mahuli kung sino man ang posibleng ‘terorista’ sa kanilang hanay.

Kung tutuusin, masahol pa sa terorista kung mapapatunayan na may sundalo o opisyal nila na nagbebenta ng mga armas sa labas ng kampo at bumabagsak sa kamay ng mga teroristang Maute-Isis at Abu Sayaff Group sa Mindanao.

Kamakailan lang, nakahuli ang mga pulis sa Valenzuela ng mag-asawang gunrunner umano. Bukod sa matataas na kalibre ng baril, may nakuha rin na napakaraming bala. Nakita sa kahon na nakuha sa mga suspek na may tatak ng AFP kaya pinaghihinalaan na ga­ling sa militar ang mga armas at mga bala.

Ang tanong ng ating kurimaw na mahilig sa mga conspiracy theory, gaano na kaya katagal nagsu-supply ng mga armas at bala ang mag-asawa sa mga bandido at terorista sa Minda­nao? Aba’y sa bakbakan na nangyari sa Marawi, napakaraming pulis at sundalo ang nasawi sa pakikipaglaban sa Maute-Isis; hindi kaya ang ibang armas na ginamit ng mga teroristang ito, at ang mga bala na tumama sa tropa ng pamahalaan ay galing sa supply ng mag-asawa, at nangga­ling naman sa buraot na taga-militar?

Mas mahirap at masakit yatang tanggapin sa isang kaanak ng sundalo kung masasawi ito sa kamay ng mga kapwa sundalo, o sa gamit na nagmula sa kanilang hanay. Bukod doon, mas mahirap na malaman ang kaaway kung nasa kanila mismong hanay.

Dahil mga kahon na may tatak ng AFP ang nakita ng mga pulis sa mag-asawang suspek, tiyak na iiwas ang mga pulis [bilang pagbibigay-galang] na panghimasukan ang imbestigasyon kung sino, kung mayroon man, na posibleng militar na nagbebenta ng kanilang armas sa mga bandido at terorista.

Ang pamunuan naman ng AFP, nangako na magsasagawa ng sarili nilang imbestigasyon tungkol sa mga armas. Huwag lang sanang mauwi ang imbestigasyon sa “maputing labahan” na walang mananagot at lilitaw na peke ang mga markang nakalagay sa kahon. Kapag nagkaganito, aba’y kawawa naman ang mga sundalo at pulis na makakabakbakan ng mga bandido at terorista kung totoo naman pala ang hinala na galing sa militar ang mga armas at mga bala.

Dapat magalit dito si President Mayor Rodrigo Duterte at iutos niya sa AFP, PNP at maging sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng kani-kanilang im­bestigasyon para malaman at lumabas talaga ang katotohanan.

Tutal at hindi naman “nanlaban” ang mag-asawa kaya buhay, tiyak na mara­ming impormasyon na makukuha sa kanila para malaman ang katotoha­nan. Huwag lang silang “manlalaban” sa loob ng presinto. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”