Abante Tonite
Mabilis sa Balita

TESDA 13 araw inubos 4B

0 255

Nadiskubre ng Kamara na nagawang gastusin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang P4 bilyon sa P4.9 bilyong unutilized at unobligated budget nito sa loob ng 13 araw, dahil dito ipinagpaliban ang pagpasa ng panu­kalang budget para sa ahensiya.

Sa deliberasyon nitong Biyernes, nagtanong si Marikina Rep. Stella Luz Quimbo kaugnay ng utilization rate ng TESDA sa budget na inilalaan dito ng gobyerno. Batay umano sa mga datos, ang TESDA ang isa sa pinakamabagal na gumamit ng pondo na inilalaan sa mga ahensiya.

Hanggang noong Setyembre 10, batay sa datos na ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM), sinabi ni Quim­bo na mayroong P4.9 bilyong unutilized at unobligated fund ang TESDA.

Sinabi ni Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos, sponsor ng P15 bilyong pondo ng TESDA para sa susunod na taon, na hanggang noong Setyembre 23 ay P973.13 milyon na lamang ang pondo na hindi nito nagagamit.

“Nakakagulat naman po ang mga numerong narinig natin. Kung napansin ninyo as I said ang sakit ng TESDA ay napaka­bagal ng kanilang pag-utilize ng kanilang funds at makikita po ‘yan sa historical budget data ng TESDA,” sabi ni Quimbo.

Dagdag pa nito, “Tila nagkaroon ng himala sa TESDA because in the last 13 days alone nakagastos ang TESDA ng P4 billion.”

Kung titingnan umano ang kasaysayan ng TESDA sa paggamit ng pondo, inaabot ng 21 buwan para maubos ng ahensiya ang budget na nakalaan dito para sa isang taon.

Paliwanag ni Jalosjos mukha umanong mayroong nangyaring himala pero ang datos umano ng DBM ay iba sa aktuwal na paggastos na ginawa ng TESDA kaya nagmukhang mabilis nitong naubos ang P4 bilyon.

Kinalaunan ay hiniling ni Quim­bo na ipagpaliban ang deliberasyon sa budget ng TESDA na sinegundahan ni Deputy Speaker at Pampanga Rep. Rimpy Bondoc.

“There are so many questions to be answered Mr. Speaker so we join the minority in moving to defer discussion on the proposed budget of TESDA,” sabi ni Bondoc. (Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.