Abante Tonite Interactive

Test ng China

416

FOR THE RECORD
Boyet Jadulco

May natanggap daw na impormasyon si Senador Panfilo Lacson na tine-test lang ng China ang Pilipinas kung paano kikilos sa insidente ng banggaan sa Recto Bank.

Sinadya daw ang pagtama ng Chinese vessel sa likuran ng F/B GIMVER 1 na sinakyan ng mga Pilipinong mangi­ngisda.

Lumitaw sa test na pabor na pabor sa China ang reaksyon ng ating Pangulo. Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na ito’y isang ‘simple maritime incident’ at hindi siya bobo para makipag-giyera sa China.

Ayon naman kay Lacson, graduate ng Philippine Military Academy at dating hepe ng Philippine National Police (PNP), hindi dapat inaanunsyo ang kahinaan ng isang bansa dahil sasamantalahin ito ng makapangyarihang bansa tulad ng China. “Di ba sabi ni Sun Tzu, when you are weak you pretend to be strong. Para may laban ka maski papano maski psychological warfare meron kang panlaban.

But when you’re weak enough tapos sasabihin mo wala kaming kalaban-laban because we’re very weak, ano yan? Does it make sense to you? Lalo tayo ibu-bully.”

Si Sun Tzu ay isang Chinese general, military strategist at philosopher na siyang may-akda ng ‘The Art of War’. Ang kanyang mga istratehiya ay hindi lang ginagamit sa Asya kundi pati na rin ng Western military.

***
Maraming Pinoy ang pumapatol sa mga kaduda-dudang investment. Tulad na lamang ng ipinapangako ng Kapa-Community Ministry International Inc. Ang iyong investment ay magkakaroon daw ng 30 porsyentong return kada buwan. Sa loob ng isang taon, ang iyong puhunan ay magkakaroon ng 360 percent na ROI. Napapaniwala sila sa malaking balik sa kanilang investment at hindi na iniisip kung magagawa ba talaga ito.

Wala kasi silang mapapala kung ipapasok lang ito sa bangko na wala pang 1 percent yata ang interest sa deposit. Kung magwi-withdraw ka, kakaltasan ka pa ng bangko.

Mapasara man ang Kapa, tiyak na may iba pang susulpot sa mga susunod na araw na mag-aalok din ng malaking ganansya sa mga investor. Marami kasi sa mga Pinoy ang naghahangad ng malaking kita kaya’t kumakagat sa mga investment scam.