Abante Tonite Interactive

Testigo vs illegal takeover ng Prime Water bibitbitin sa Kamara

401

Kumpiyansa ang Makabayan bloc na mayroon silang mga matitibay na ebidensiya at mga testigong handang humarap sa House of Representatives sa oras na gumulong ang imbestigasyon nito sa umano’y maanomalyang pag-takeover ng Villar owned Prime Water Corp. sa ilang local water district sa bansa.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, ang mga resource person at mga testigong kanilang ihaharap ay kinabibilangan ng mga empleyado na nawalan ng trabaho, consumer na nagrereklamo sa palpak na serbisyo ng Prime Water at opisyal ng mga water district na magpapatunay na ni-railroad at may iregularidad sa pinasok na Joint Venture Agreement ng Prime Water sa Local Water Utilities Administration kaya nagawa nitong mai-take over ang mga local water district.

“Kapag gumulong na ang imbestigasyon ay isa-isang malalantad sa mata ng publiko ang sweetheat deals ng Prime Water,” pahayag ni Gaite.

Kasabay nito, pinakikilos ng Makabayan bloc ang liderato ng Kamara na aksiyunan ang kanilang inihaing resolusyon na nakabinbin ngayon sa House Committee on Government Enterprises and Privatization na humihiling na magsagawa ng House inquiry laban sa Prime Water na pagmamay-ari ng bil­yonaryong mag-asawang sina Sen. Cynthia at Manny Villar.