Abante Tonite Interactive

Testimonya ni Kerwin vs De Lima ‘di ubra sa ethics

76

Nilinaw ni Senador Panfilo Lacson na ang testimonya ng ­suspected drug lord na si Kerwin Espinosa ay ­hindi magagamit sa ethics complaint na kinakahrap ngayon ni Senador Leile de Lima.

Paliwanag ni Lacson, ang testimonya ni Kerwin partikular ang sinabi nitong pagbigay niya ng kabuuang P8 mil­yong drug money kay De Lima sa pamamagitan ng dati nitong driver-­bodyguard at lover na si Ronnie Dayan ay hindi maaaring gamitin sa ­ethics complaint laban sa senadora dahil nangyari ito nang hindi pa ito senador.

Wala na umanong hurisdiksyon ang ethics committee para aksiyunan ito.

“Everything happened, ‘yung supposed culpabi­lity, ang possible culpabi­lity dahil ‘yung kay Kerwin nangyari naman ‘yan before she became senator. So walang jurisdiction kasi during ­incumbency lang ang jurisdiction,” pag­lilinaw pa ni Lacson.

Sa halip, ayon kay Lacson, ang reklamong kinakaharap ngayon ng senadora sa komite ay may kinalaman lamang sa kanyang ginawang pagpigil kay Dayan para humarap sa pagdinig ng kamara kaugnay sa ­illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kung saa’y idinawit ang senadora.

Malinaw umanong may hurisdiksiyon na rito ang komite dahil nangyari ito nang siya’y nakaupong senadora.

Inihain ang reklamo ng mismong liderato ng kamara kung saa’y tinutu­ring nitong obstruction of justice ang pagpigil ng senadora.