Abante Tonite Interactive

Thank you, ma’am at sir!

0 369

Doktor, abogado, negosyante o kahit sino pang mayaman at makapangyarihan sa mundo—wala silang lahat kung wala ang taong umalalay sa pagkamit nila ng tagumpay. Sino pa ba ang tinutukoy ko? Siyempre, walang iba kundi ang mga mahal nating guro.

Bahagi na sila ng pang araw-araw na­ting buhay. Sa paaralan, guro ang nagsisilbing ikalawang magulang. Sa mga estudyante—kung susumahin, mas matagal pa ang iginugugol n’yong oras sa paaralan kaysa sa bahay. Kaya kung minsan mas nakaka-bonding n’yo pa sina ma’am at sir kaysa kina Mommy at Daddy.

Hindi na bago sa atin ang kuwento ng sakripisyo ng maraming guro. Madalas silang paluwal ng pera. Aakuin ang gastos matapos lang ang isang proyekto.

Gaya rin ng magulang, isusubo na lang ang pagkain—ibibigay pa sa mga bata.

Ganyan kabusilak ang puso ng mga guro. Mga bagay na kung minsa’y nakakaligtaan nating bigyan ng pansin.

Dapat lang na bigyang-pugay natin sila ngayong National Teachers’ Month.

Related Posts

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon, “Gurong Pilipino: Handa sa Makabagong Pagbabago.” Maraming hamon kina ma’am at sir lalo pa’t nasa digital age na tayo. Ang nakatutuwa, sumasabay rin sila sa agos ng panahon.

Sa susunod na buwan, magte-train ako ng mga guro sa Cavite tungkol sa pagsusulat ng script sa telebisyon. Marami sa kanila ang gumagamit na ng TV sa pagbibigay ng kanilang lecture. Saludo ako sa inyo!

Mag-iisang dekada na rin akong nasa academe. Sa totoo lang, mahirap magturo. Maraming paghahanda. Iba-iba ang ugali ng mga bata. Pero masaya at masarap sa pakiramdam na makapagbahagi ka ng kaalaman sa kanila. Kaya kahit pagod sa ibang trabaho, hindi ko magawang iwan ang pagtuturo.

Ang nakalulungkot lang, may ilan ding mga batang mabilis makalimot. Kayo ba, kilala n’yo pa ang lahat ng na­ging teachers ninyo? Take time to visit your former teachers. Kung busy tayo, puwede namang mag-text o mag-message na lang sa Facebook. Hindi na puwedeng idahilan ngayon ang oras at distansiya. In just a click, nakapagparamdam ka na. Ang mahalaga, naalala natin sila.

Muli ang aking mainit na pagbati ng pasasalamat sa mga naging guro ko mula elementary hanggang college. Wala ako rito ngayon, kung wala po kayo noon. Thank you, ma’am at sir!