Abante Tonite Interactive

That thing called ‘disiplina’

345

Sa wakas, napag-uusapan na ang paglilinis sa mga kalsada at bangketa na binabarahan ng mga vendor, ginagawang parking ng mga sasakyan, tinatayuan ng istruktura, sinasakop ng bahay, at kung ano-ano pa. Ang malaking tanong ng marami nating tsokaran, hanggang kailan kaya ito pag-uusapan at maipatutupad kaya nang tuloy-tuloy?

Sa nakaraang pagpupulong ng mga lokal na opisyal sa Metro Manila at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mayroong 60 araw o dalawang buwan ang mga alkalde para alisin ang mga sagabal sa mga pangunahin at secondary roads para madaanan ng mga sasakyan.

Pagtalima ito sa direktiba na rin ni President Mayor Digong Duterte na nabanggit niya sa nakaraang SONA upang mabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila. Kung masusunod ng takdang panahon na ibinigay sa mga alkalde, aba’y dapat maramdaman na natin ang pagbabago sa daloy ng trapiko sa maraming lugar sa NCR pagsapit ng Nobyembre.

Ang alkalde na sa­sablay sa direktiba, masasampahan ng rekla­mong administratibo at baka masuspinde pa. Kung pagbabasehan ang mga lumalabas na ulat, mukhang nakalalamang itong si Yorme Isko Moreno ng Maynila. Nakita naman sa mga social media post na bago pa man magkaroon ng pagpupulong sa paglilinis ng mga kalsada, nagsampol na si Isko sa maraming lugar sa lungsod niya, tulad sa Divisoria at Recto.

Kung tutuusin, hindi lang ang mga alkalde ang dapat maparusahan kapag hindi nila nasunod ang utos—dapat kasama ang barangay chairman sa lugar na may mga sagabal pa rin sa kalsada at bangketa. Aba’y hindi naman magkakalakas ng loob na magtinda sa bawal na lugar ang vendor, o hindi gagawing terminal ng mga tricycle, jeepney, UV Express ang mga kanto kung nakabantay si chairman.

Ang problema, sabi nga ni Yorme Isko, may mga barangay chairman na pasimuno ng mga illegal vendor at terminal dahil may tongpats. Hindi mapairal ang disiplina sa mga tao dahil ang mismong namumuno, walang desiplina.

Tulad na lang ng mga private vehicle na ginawang sariling parking lot ang magkabilaang bahagi ng kalsada dahil walang garahe ang kanilang sasakyan.

Ang resulta, sa labas na sila ng bahay nakaparada at ang iba ay nagbabayad sa barangay. Kaya naman hindi nakapagtataka na dumadami na ang sumusuporta panukalang batas na hindi dapat payagan na bumili ng sasakyan ang mga taong hindi makapagpapakita ng katibayan na may garahe siyang paglalagyan ng sasakyan.

Ganito rin ang sitwasyon sa mga lugar na malapit sa mga mall. Dahil pahirapan ang parkin­g sa loob ng mall, nakaisip ng pagkakakitaan ang chairman ng barangay na magpa-parking sa gilid ng kalsada. Kung apat na linya ang kalsada na tig-dalawang linya sa magkabilaan, magiging tig-isang linya na lang ang magagamit ng mga motorista.

Ngunit bukod sa mga pasaway na motorista at vendor na may tongpats kay chairman, marami ring driver ng mga pampublikong sasakyan na talagang ogags at walang desiplina sa pagkuha ng pasahero. Kapag alam nilang walang traffic enforcer sa lugar na bawal na magsakay at magbaba ng pasahero, titigil at titigil sila kahit sa kantong-kanto para maghintay ng pasahero.

Wala silang pakialam kung bumubusina ang nasa likod nila dahil liliko sa kanto o kaya eh didiretso.

Ang matindi nito mga tsong, may mga CCTV ang mga barangay para ma-monitor nila kung mabigat na ang daloy ng trapiko sa isang lugar pero deadma sila.

Katwiran siguro nila, bahala kayo sa buhay n’yong maburo sa trapik. Gayung nakikita nila na ang dahilan ng pagbigat ng usad ng mga sasakyan eh mga jeep, bus at UV express na nag-uunahan sa mga pasahero.

Ngayon, nababalitaan na natin may mga police station at barangay hall na sumakop na sa mga bangketa ang tinibag na. May mga bahay din na ginawang hardin ang bangketa o sinakop na garahe at nilagyan pa ng gate ang sinisira na. Magandang hakbang na magamit talaga ng mga tao ang bangketa, pero may mga katsokaran din tayong nagtatanong, baka naman daw mga kamote rider na wala ring desiplina ang gagamit ng mga bangketa? ‘Yun lang. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”