Abante Tonite Interactive

The old-fashioned millenials

333

Kinain na nga ba ng makabagong sistema ang lahat ng ating kabataan sa ngayon? Lahat ay huma­hawak na ng makabagong gadgets at unti-unti na yatang nalilimutan ang mga gawaing mas higit na kapaki-pakinabang kaysa sa mga nagagawa natin gamit ang teknolohiya. May mga millenial pa ka­yang magiging interesado sa mga gawaing makaluma? Meron pa naman siguro at tawagin natin silang the old-fashioned millenials. Sila ang kabataan na naniniwala pa rin sa buting maidudulot ng mga bagay na pilit tinatakpan ng makabagong sistema kabilang na ang pagkahumaling sa social media. Ang nabibilang sa old-fashion ay ang kabataan na ibinabangon ang makalumang sistema sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng bagong buhay. Ilan sa mga binibigyan nila ng halaga ngayon ay ang mga sumusunod;

1. Poetry – Akala ko ay tuluyan nang mabubura ang poetry sa ating kultura. Mabuti na lang at ito ay pilit ibinabangon ng mga millenial ngayon sa pamamagitan ng spoken word poetry. Sa makabago nilang pagpapakilala dito ay hindi lang nila naibabangon ang poetry kundi nailalabas din nila ang kanilang tunay na saloobin sa mga usaping gaya ng pag-ibig, buhay, pagkakaibigan at kung ano-ano pa.

2. Musika – Sa dami na ngayon ng mga usong kanta na mula sa mga banyaga, nakakatuwang isipin na ang ating kabataan ay pilit lumalaban sa lara­ngang ito. Sila ay patuloy na lumilikha ng mga awitin na kung pakikinggan nating mabuti ay makaluma ang dating subalit nagagawa nilang paunlarin at ipakilala sa lahat bilang bagong musika ng mga Pilipino. Marami pa rin sa kanila ang nahihilig sa mga oldies but goodies na awitin.

3. Sports – Pagdating sa sports ay hindi rin magpapahuli ang ating mga millenial. Hindi naluluma sa kanila ang basketball, volleyball, swimming, boxing, at kung ano-ano pang laro na kinahihiligan nila. Sa ngayon kasi napakaraming kabataan ang nahuhu­maling sa mga laro lamang sa social media at nawawalan na ng panahon sa mga larong ginaga­mitan ng lakas ng katawan. Sa kabila nga nito ay may mga millenial pa rin tayong maaasahan sa mga tunay na paligsahan.

Maging sa mga damit, pagkain at hairstyle ay makikita pa rin natin na may kabataan pa rin ang nakakapansin sa mga lumang style at nagagawa nilang ibalik ito sa uso.