Abante Tonite Interactive

Thea, sumakit ang ulo sa bashers

By
26

KUNG sina Sanya Lopez, Rocco Nacino, at Pancho Magno ay may teleserye agad pagkatapos ng Encantadia, hindi pahuhuli si Thea Tolentino na may kasunod agad after Destined To Be Yours.

Magkakasama silang apat sa bagong Kapuso afternoon soap na Haplos at happy si Thea na may trabaho agad siya pagkatapos ng AlDub teleserye.

Napangiti si Thea nang tanungin namin kung naka-recover na ba siya mula sa matinding bashing na natanggap niya mula sa fans ng AlDub nang gumanap siyang nobya ni Alden Richards at kontrabida ni Maine Mendoza.

Sey ng 20-anyos na Kapuso star, hindi siya nagsisisi na tinanggap niya ang role dahil at least, na-experience niyang makatrabaho sina Alden at Maine.

At saka hindi kasi siya mapili sa roles.

Inamin sa amin ni Thea na ‘yun ang pinakamatinding bashing na naranasan siya sa showbiz career niya.

As in grabeng panla­lait ang natatanggap niya gabi-gabi, lalo na tuwing nilalambing niya si Alden sa eksena o minamalditahan niya si Maine sa DTBY.

Nang magkontrabida noon si Thea kay Barbie Forteza sa The Half Sisters ay hindi siya nakaranas ng gano’n at minahal ng viewers at netizens ang karakter niyang si Ashley.

First time niyang naranasan ang ganu’n kalala na pamba-bash sa social media, lalo na sa Twitter.

Natatawang inamin sa amin ni Thea na pumatol din siya, pero minsan lang. At dahil troll ang mga ito ay hindi nauubusan ng sagot ‘pag pinatulan mo.

Sumakit ang ulo niya sa mga ito. Nasaktan siya sa tinweet sa kanya kaya napasagot siya.

Ayaw niya ring manahimik na lang habang nila­lait siya, pero ‘pag alam niyang wala nang pupuntahan ‘yung usapan ay tumitigil na siya.

As in inalipusta nang todo ang pagkatao ni Thea at kung anu-ano ang pinagsasabi ng bashers sa kanya.

Ganu’n pa man ay hindi siya nagsisisi na ginawa niya ito dahil maganda ang role niya sa DTBY.

Sa Haplos ay siya si Lucille Bermudez, na half-sister ng bidang si Angela Alonzo (Sanya).

Pareho silang may powers, ‘yung kay Angela ay white, ‘yung kay Lucille ay black magic.

Kung ang haplos ni Sanya ay nakakapagpa­galing, ang haplos ni Thea ay nagbibigay ng sakit.

So, mga Haplosera pala sila?

“Opo. Tapos, si Lucille, may mga gayuma siya sa kuwarto niya, mga potion na parang sa Harry Potter. Ha! Ha! Ha!” tawa ni Thea.

Sa July 10 ang simula ng Haplos sa GMA Afternoon Prime kapalit ng D’Originals.