Abante Tonite Interactive

Thermal scanner nilalako sa SUV

0 551

Hindi nakalusot sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang guerilla style modus ng tatlong Chinese national na naglalako ng mga overpriced na thermal scanner sakay ng sport utility vehicle (SUV).

Kinilala ni NBI Special Action Unit Supervising Agent Eugene C. Javier ang mga nasakoteng Chinese na sina Li Chunyang, Zhang Zhibin, at Lu Youjun, pawang nakatira sa Binondo, Maynila.

Ayon kay Javier, nagbebenta ang mga suspek ng 50 thermal scanner sa halagang P6,000 kada isa na 10 beses mas mataas kaysa suggested retail price o SRP nito.

Aniya pa, sa halip na sa tindahan, gusto ng mga suspek na maghintay na lang ang kanilang mga buyer sa harap ng isang hotel sa Binondo para doon gawin ang kanilang transaksyon.

Kanilang isinagawa ang pag-aresto, ayon kay Javier matapos ibaba ng mga suspek mula sa SUV ng mga ito ang mga binebentang thermal scanner na nakasilid sa mga kahon.

Samantala, naniniwala si NBI Director Eric Distor na bagong istilo ito ng pagbebenta ng mga medical supply para hindi masakote ng mga awtoridad.

Sabi ni Distor, guerilla style ang ginawa ng mga suspek para makalusot sa mga awtoridad.

“Nagbago na `yong style, wala ng pwesto kasi baka ma-raid, kaya umiikot sila sakay sa SUV dala `yong merchandise,” ani Distor.

Hinala pa ni Distor na baka ginamit pa ng mga suspek ang mga dala nilang medical supply para makadaan sa mga checkpoint.

“Baka ginagamit pa nila na excuse `yong medical supplies, para palampasin sila sa checkpoints,” sabi ng NBI chief.

Inirekomenda na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines at profiteering. (Nancy Carvajal)