Abante Tonite Interactive

Think ‘positive’

0 331

Mahigit isang linggo na mula nang mapilitang ‘mapermis’ (ika nga ng mga matatanda) ang marami sa atin dahil sa umiiral na enhanced community quarantine. Bagaman marami na siguro ang nababagot sa bahay, payo ng marami nating kurimaw — think positive pa rin.

Pero siyempre sa pananaw lang dapat mag-think positive. Pagdating sa COVID-19 test, dapat think “negative” ang maging resulta ng test. Iyon nga lang, marami pa rin yata sa mga kababayan natin na may sintomas at maging ang mga asymptomatic ang hindi pa nasusuri dahil daw sa kulang pa rin ang mga test kit.

Mabuti pa ang ilang mga politiko at sikat na personalidad na walang problema kahit ilang beses yatang magpa-test dahil sa koneksyon at estado nila sa gobyerno. Ang malungkot pa nito, may mga “positive” na pasyente ang pinapauwi pa rin sa kani-kanilang bahay para doon na magpagaling dahil puno ang ospital at wala na silang sintomas o mahina ang tama ng virus sa kanilang katawan.

Kaya lang, papaano kung may matanda silang sakitin na kasama sa bahay? Papaano kung mahawahan nila? Hindi ba’t parang sila pa ang pumatay sa kasama nilang matanda sa bahay dahil sila ang mas peligroso sa epekto ng virus?

Dapat sigurong maglaan na ng lugar tulad ng mga hotel o parang evacuation center na may hiwa-hiwalay na kuwarto ang mga lokal na pamahalaan o maging ang nasyunal na puwedeng puntahan ng mga pasyenteng positive na hindi na puwedeng umuwi. Kahit siguro ang mga pampasaherong mga barko na hindi naman nagagamit ngayon eh gamitin na lang munang quarantine area.

Ang kailangan na lang problemahin ay kung papaano ang kanilang pagkain kung tatagal ng hanggang dalawa o tatlong linggo ang kanilang pagpapagaling. Kailangan daw kasing dalawang beses mag-negative sa test ang isang pasyente bago sila ideklarang “free” na sa virus.

Kung hindi gagawin ang ganitong sistema at papayagan makauwi ang mga positive patient, malamang na magpapatuloy lang ang pagkalat ng COVID-19. Dapat ding dagdagan pa ang test kit at huwag tayong basta umasa sa donasyon ng ibang bansa dahil may sari-sariling problema silang kinakaharap. Hindi ba’t sinasabing may pera ang gobyerno, aba’y bumili na nang bumili ng mga test kit na madaling malaman ang resulta nang maihiwalay ang mga infected sa hindi infected.

Ang nakalulungkot ngayon, may mga pasyenteng namatay na bago malamang positive sila. At dahil may mga pasyenteng hindi kaagad nalaman na positive sa virus, nadadamay maging ang mga health worker na nag-asikaso sa kanila. May mga nakararamdam din ng sintomas pero hindi sila isinasailalim sa test dahil “mild” ang sintomas nila. Ang masama, kapag lumubha ang kanilang kalagayan eh babalik sila at mas mahirap na ang gamutan.

Pero kahit maraming hindi magagandang nangyayari tungkol sa COVID-19, think positive pa rin na malalampasan nating mga Pinoy ang pagsubok na ito. At tandaan mga tsong, hindi lang tayo ang nakararanas ng ganitong problema at home quarantine. Maging ang mga mayayamang bansa ay nagkukumahog din na mapigilan ang pagkalat ng virus at pilit na pinakikiusapan ang kanilang mga kababayan na manatili sa kani-kanilang bahay.

At habang naka-quarantine, isipin ang magagandang bagay tulad ng bonding sa pamilya. Ang mga singer na wala ring magawa sa bahay, kabi-kabila ang libreng kanta sa FB live. Napapanood mo na ang paborito mong palabas sa Netflix at nagagawa mo ang mga project mo sa bahay na hindi mo magawa noon dahil wala kang oras.

Bumaba ang bilang ng krimen tulad ng rape at ambush, at nabigyan ng pagkakataon ang mundo na “huminga” dahil nabawasan ang polusyon dahil maraming pabrika ang sarado at maraming sasakyan ang nakatengga. At higit sa lahat, natuto kang mag-tiktok.

Kung nakaka-LL ka o luwag-luwag at hindi mo naman kailangang kumayod kahit may quarantine, chill ka lang o TTL muna o tiis-tiis lang sa bahay. Kung gusto mong makatulong sa paglaban sa COVID-19, bahay ka lang muna. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”