Abante Tonite Interactive

Third Force

By
429

May namumuong kaganapan sa pulitika ngayon sa bansa. Kahit higit sa labing anim na buwan pa bago sumapit ang May 2018 elections, ilang senador na ang ikinokonsidera na tumakbo sa ilalim ng isang Third Force.

Ayaw nilang tumakbo sa bakuran ng ruling PDP-Laban na pinamumunuan ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III. Ayaw din nilang tumakbo sa ilalim ng oposisyong Liberal Party (LP) ni Vice-President Leni Robredo.

Ayon sa mga nasagap nating impormasyon, ang bubuo ng Third Force ay ang mga senador na ayaw iwanan ang partidong kanilang kinaaaniban. Miyembro ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) si Senador Sonny Angara habang si Senador JV Ejercito ay bahagi pa rin ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) na itinatag ng kanyang ama na si dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada.

Kasama din sa posibleng pumasok sa Third Force si Senador Nancy Binay ng UNA at ang independent na si Senador Grace Poe na nangunguna sa senatorial survey. Ang usap-usapan, baka si Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III pa ang maging campaign manager ng nasabing grupo.

Hindi naman daw nangangahulugan na tinatabla nila si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte dahil maaari naman silang i-adopt ng administration party. Ganyan din ang ginawa ng namayapang senador Miriam Defensor Santiago na binitbit ng maraming partido noong 2010 senatorial elections.

Wala pa tayong ideya kung sasama sa grupong ito ang nagbabalik na si dating senador Lito Lapid. Pero kilala si Lapid na kung nasaan ang agos, doon siya sasakay. Ilang beses siyang naging kandidato ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kaya malamang na maging kandidato siya ng administrasyon.

Malaki ang bentahe ang maging kandidato ng administrasyon. Kahit na sabihing kuripot ang presidente ng PDP-Laban na si Koko Pimentel, inaasahang bubuhos ang pondo sa mga kandidato ng administrasyon. Plus pa diyan ang popularidad ni Pangulong Duterte.

Kaya nga tuwang-tuwa si Presidential Spokesperson Harry Roque matapos pangakuan ng slot sa senatorial ticket ng PDP-Laban. May pondo na, may Digong’s magic pa, aba’y kapag natalo pa siya ay malamang na may balat siya sa bumbunan este sa puwet.

Si Negros Occidental Rep. Albee Benitez, hindi na niya kailangan ang pondo ng PDP-Laban dahil sa sangkatutak ang pondo ng mamang ito. Ang kailangan niya, ma-convert ang popularidad ni Digong sa kanyang kandidatura.  Sigurado din na kakabigin niya ang Ilonggo vote, aba’y higit sa isang milyon din ang boto ng rehiyong ito.

Sa millennials, iisipin nilang ngayon lang nangyari ang pagbuo ng Third Force sa pulitika. Matagal na itong ginagawa at nauulit lang kapag hinihingi ng pagkakataon.