Abante Tonite Interactive

Third time’s not a charm

127

Naging kontrobersyal ang laban para sa World Series of Poker (WSOP) Player of the Year (POY) ngayong taon matapos bawiin sa poker superstar na si Daniel Negreanu ang nasabing award.

Ito dapat ang ikatlong pagkakataon na makukuha ni Negreanu ang WSOP POY award na napakahirap mapanalunan.

Bukod kay Negreanu, wala pang ibang poker­ player na nanalo ng WSOP POY ng mahigit isang beses.

Napunta ang kara­ngalan kay Robert Campbell habang bumagsak sa ikatlong puwesto si Negreanu, sa likod ng pumangalawang si Shaun Deeb.

Nadiskubre kasi ng live poker reporter na si Alexander Elenskiy na may mali sa pagkuwenta ng puntos para sa WSOP POY race.

Napansin ni Elenskiy na nabigyan ng 213.1 puntos si Negreanu mula sa 36th place finish nito sa Event #68: $1,000 WSOP.com Online No-Limit Hold’em Champion­ship kahit na hindi ito nakakuha ng premyo.

Wala dapat makukuhang puntos kapag bigong manalo ng premyo sa WSOP tournament ang isang player.

Sa kabuuan ay may nakuhang 3,961.31 puntos si Campbell habang may 3,917.32 naman ang 2018 WSOP POY na si Deeb at 3,861.76 lang si Negreanu matapos mabawasan ng puntos.

Unang napanalunan ni Negreanu ang award noong 2004 at muli niya itong nakuha noong 2013.

Masasabi nating mas deserving namang manalo si Campbell dahil dalawang beses siyang nanalo ng WSOP bracelets ngayong taon.

Kung hindi nakita ni Elenskiy ang pagkakamali sa kuwentahan, si Negreanu sana ang magiging unang WSOP POY na hindi nanalo ng WSOP bracelet.

May 23 cashes nga­yong taon si Negreanu dahil sangkaterbang events ang sinalihan nito para sa kanyang kampanya na makuha ang ikatlong WSOP POY award.

Better luck next time na lang champ!