Abante Tonite Interactive

Thompson, Cabagnot pirma ulit sa Ginebra, SMB

Selyado!

By
1,142

Pumirma ng panibagong kontrata sa kani-kanilang team sa PBA sina Team Pilipinas guards Scottie Thompson at Alex Cabagnot.

Tinapik ng Ginebra bilang fifth pick overall noong 2015 draft si Thompson, hindi na naghintay ang crowd favorite na mag-expire sa pagtatapos ng season ang three-year contract ng high-flyer na produkto ng Perpetual Help.

Panibagong three-year deal muli ang binigay ng Ginebra sa 25-anyos na player na tubong Davao.

Sa tatlong seasons ni Thompson sa Gin Kings, nakatatlong kampeonato rin siya – back-to-back sa Governors’ Cup, huli ang inagaw na titulo ng San Miguel Beer sa Commissioner’s.

Sa midseason confe­rence, si Thompson ang tinanghal na PBA Press Corps Finals MVP.

Ayon kay Ginebra coach Tim Cone, kakaiba ang enerhiya ni Thompson mula praktis hanggang gabi ng laro.

Nauubusan na nga raw si Cone ng superlatives para ilarawan ang masipag niyang guard.

“His will to win, his will to do whatever it takes, he’s out of the charts. I don’t know anybody like him,” wika ng two-time grand slam champion coach.

Kung may personahe ng Never-Say-Die, si Thompson na ‘yun.

“Scottie brings us that intangible, just never-quit, never give up, and he really, if anybody, exemplifies that Never-Say-Die attitude,” dagdag ni Cone.

Sa susunod na season pa matatapos ang kontrata sa San Miguel ng 35-anyos na si Cabag­not pero ikinahon na agad siya ng SMB sa panibagong two-year deal.

Miyembro si Cabag­not ng Fab Five ng SMB, ang starting unit ni coach Leo Austria kasama sina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter at Chris Ross.

Malaking papel ang ginampanan ni Cabag­not sa anim na titulo ng Beermen sa ilalim ni Austria mula 2014, naging Finals MVP rin siya noong 2017 Commissioner’s Cup.