Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Thompson, iba pa pakasal kahit may COVID

0 177

Hindi naging hadlang ang pandemya para matuloy ang pag-iisang dibdib ng ilang Philippine Basketball Association (PBA) players sa nagdaang taon at ngayong buwan.

Walang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pagdating para sa kanilang mga mahal, ‘ika nga.

Hindi lang isa, kung hindi dalawang beses nagpakasal si Barangay Ginebra San Miguel star Earl Scottie Thompson sa flight attendant na si Jinky Serrano.

Una noong Hunyo 21 na ikinagulat ng lahat sa loob at labas ng sports dahil Enero ng 2021 nang mag-propose siya sa matagal na nobyang si Pau Fajardo.

Isa pang engrandeng kasalan ang naganap sa tabing dagat sa Davao nitong Disyembre kina Scottie at Jinky.

Tulad ni Thompson ang guard ng NLEX na si Kevin Louie Alas at ang kasintahang PBA courtside reporter na si Selina Dagdag.

Unang nagkaroon ng intimate wedding ang dalawa noong 2020 at muling ikinasal nitong Oktubre 2021. Sa ikalawang pagkakataon, naimbita na nina Kevin at Selina ang kanilang mga kaibigan at kasamahan sa industriya.

Isa pang nanggulat kahit ngayong pandemya na lumagay sa tahimik na buhay ang miyembro ng San Miguel Beermen na si Von Rolfe Pessumal.

Ikinasal siya sa beauty queen at host na si Laura Lehman noong Mayo 2021 sa isang civil event.

Nasa kolehiyo pa lang at naglalaro sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) para sa Ateneo Blue Eagles si Von, nobya na niya si Laura na courtside reporter naman ng naturang collegiate league.

At sa taong ito ng kasalukuyang buwan, patali na rin si Meralco forward-guard Kier John ‘Bong’ Quinto

sa longtime girlfriend niyang si Joyce Pestaño.

Hahamakin ng magpapartner ang COVID alang-alang lang sa kanilang mga pagmamahalan.(Sarah Jireh Asido)

Leave A Reply

Your email address will not be published.