Abante Tonite
Mabilis sa Balita

TIA o mini stroke

0 128

May mga karamdaman na ang resulta ay nakababahala, nakakabalda at nakakatakot. Mayroon din naman na para lang nagdahilan at halos wala naman iniinda. Ito ang tanong sa atin ngayong linggong ito. Ang ama ng ating reader ay nagkaroon ng problema, mistulang nababalda ang kaliwang bahagi ng mukha at katawan, ipinahinga lamang ngunit kinabukasan ay ok na. Ayaw magpatingin sa doktor dahil mukhang napagod lang sa dami ng ginawa kamakailan at malaking gastusin pa ang kalalabasan. “Ano ba ang nangyari sa aking tatay? At pwede bang balewalain ang nangyari dahil maayos naman at walang nakikitang anomalya.”

Ang pinakamahalaga na nakita ay ang sintomas ng bagkabalda ng kaliwang bahagi ng katawan at pagkangiwi ng mukha na parang nag stroke o cerebro-vascular accident (CVA). Ito ay sa kadahilanang nagkaroon nga ng stroke ang pasyente. Ngunit dahil nawala paggising, ang tawag dito ay Transient Ischemic Attack, TIA o mini stroke. Isang klase ng stroke na maaring mangyari ng mga ilang minuto ngunit agad agarang nagreresolba sa loob ng 24 oras. Bagama’t parang nagdahilan lang ang pasyente, nagkaroon pa din ng bara sa daluyan ng dugo sa utak, kaya nagkaroon ng mga sintomas. Mahalagang maevaluate ng doktor ito, lalo na ng neurologist para malutas ang sanhi, hindi lumala, o magkaroon ng isa pang episode. Maaaring ipagawa ang CT scan o MRI with contrast para makita ang kalagayan ng utak at ang mga ugat na dumadaloy dito. Base sa mga pagsusuri, isa sa lima o 20% ay siguradong mauulit ang pangyayari, kadalasan, mas malala pa kaysa sa nakaraan.

Maaaring makaramdam ng mga warning signs bago mangyari ang TIA. Kabilang dito ang pananakit ng ulo, pagmamanhid ng mga dulo ng daliri, kung minsan, pangingimay din nito. Kasama din ang parang nalilito, nahihirapan magsalita o nabubulol, at pati paningin ay nadamay din. Pwedeng isa o dalawang mata ang madamay. Nahihirapan din sa pagkilos, nawawalan ng balanse at koordinasyon.

Para sa nagkaroon ng TIA, maaaring kainin ang mga sumusunod: gulay (lalo na mga madahon) isda (lalo na ang salmon), kamatis, mga nuts, beans, flaxseeds, at prutas gaya ng blueberries at granada. Iwasan ang pagkain ng mga matataas sa saturated fat tulad ng dairy (butter at mantekilya, pati keso), karne, processed na karne, piniritong pagkain at asukal (mga baked goods at matatamis na pagkain).

Kung sa kasawiang palad ay mangyari sa inyo ang TIA, huwag balewalain dahil lamang umayos na ang pakiramdam. Maaaring umpisa at pangitain ng mas malalang kundisyon. Mabuti nang maudlot at mapigilan ang mga ito.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA              profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists.  Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.