Abante Tonite Interactive

Tigil biyahe sa Aklan

472

Inutos ni Aklan Governor Florencio Miraflores na itigil muna ang biyahe ng mga pampasaherong sasakyan sa kanilang lalawigan kabilang na ang paglalayag sa karagatan patungong Boracay Island sa bayan ng Malay.

Itoý matapos maitala ang tatlong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Aklan,

Nag-isyu si Miraflores ng Executive Order No. 20-B kung saan hinimok nito ang mga pribado at publikong establisimiyento katulad ng mga banko, remmitance center, laundry shop, bakery, gas at water refilling station supermarket, pawnshop, fast food restaurant, hospital, clinic, media, drug store, at pharmacy na bigyan ng transportation service ang kanilang mga empleyado para sa pagpasok at pag-uwi ng mga ito.

Hindi sakop ng pagpapatil sa mga public transport ang mga cargo truck, mga sasakyan ng gobyerno at mga pribadong sasakyan,

Batay sa pinakahuling ulat ng Provincial Health Office, tatlong kaso na ng COVID-19 ang naitala sa Aklan habang 3,800 naman ang person under monitoring.

Kabilang sa mga Aklanon na nagpositibo sa COVID-19 ay si Patient No. 5 na 81-anyos na lalaking may travel history sa Maynila noong Marso 10. Ipinasok siya sa ospital noong Marso 16 at lumabas ng Marso 21. Kasalukuyan itong naka-home quarantine.

Si Patient No. 8 ay lalaki rin na 68-anyos at may travel history din sa Maynila. Kasalukuyan itong ginagamot sa ospital simula pa noong Marso 20.

Ang Patient No. 13 na lalaki rin ay 37-anyos at isang medical frontliner na may travel history din sa Maynila. Ginagamot ito ngayon sa ospital.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon, hepe ng Provincial Health Office, nagsasagawa na sila ng contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng mga nasabing pasyente sa nakalipas na dalawang linggo.

Kaugnay nito, muling nanawagan sa publiko si Dr. Cuachon na sundin ang mga ipinag-uutos ng pamahalaan at manatili na lamang sa kanilang mga tahanan upang hindi na lumaganap pa ang COVID-19 sa bansa. (Prince Golez)

Tonite – Wendys Inhouse Ad