Abante Tonite Interactive

Tigil putukan posibleng bawiin ni Duterte

540

Maaaring bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dineklarang tigil putukan dahil sa magkahiwalay na insidente ng pananambang diumano ng New People’s Army (NPA) sa mga tropa ng pamahalaan sa Camarines Norte at Iloilo.

Sa isang panayam kay Senador Bong Go sa Davao City, sinabi nito na nais malaman ng Pa­ngulo kung mayroong paglabag ang NPA sa umiiral na tigil putukan.

Pinapaberipika na aniya ng Pangulo ang magkahiwalay na insidente ng pananambang at kapag napatunayang hindi tumupad ang mga rebeldeng komunista ay hindi malayong ipatigil ang dineklarang unilateral ceasefire.

“Interesado ang Pangulo kung may violation. Kung sakaling meron, hindi ninyo masisi na i-terminate ng Pangulo ang unilateral ceasefire sa parte ng gobyerno,” ani Go.

Nakarating na aniya kay Pangulong Duterte ang pananambang ng mga NPA kung saan may namatay at nasaktan kaya pinaberipika na nito ang totoong nangyari.

Batay sa nakarating na impormasyon sa Pa­ngulo, ang magkahiwalay na pananambang ng NPA ay ginawa sa Brgy. Baay, Labo, Camarines Norte at Tubungan, Iloilo isang araw matapos ang idineklarang tigil putukan. (Aileen Taliping)