Abante Tonite Interactive

Tigilan na ang diskriminasyon sa mga estudyante — Gatchalian

361

Walang lugar sa sistema ng edukasyon ng bansa ang diskriminasyon sa mga mag-aaral anuman ang kanilang relihiyon o pinagmulan.

Ito ang paalala ni Senador Win Gatchalian sa Phi­lippine National Police (PNP) kasunod ng kumalat sa social media na isang memorandum kung saan ipi­nag-utos ng Manila Police District (MPD) ang pagkakaroon ng database ng mga mag-aaral na Muslim sa mga high school, kolehiyo, at pamantasan.

Sa nasabing memorandum, isinasagawa ang pag­lilista upang pigilin ang karahasan at panatilihin ang kapayapaan, bagay na binatikos ng mga Muslim group at ibang mga sektor.

Ayon kay Gatchalian, bagama’t ipinag-utos na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na iti­gil na ang paglista sa mga mag-aaral na Muslim, isa umanong uri ng diskirminasyon ang naturang memo.

Aniya, iniuugnay ng memo ang mga Muslim sa karahasan at pinalalala lamang ang stigma na kanilang pinagdaraanan.

Nag-viral ang memo matapos itong ibahagi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa kanilang Facebook page noong Pebrero 20.

Dipensa ni PNP chief Police General Archie Gamboa, bahagi ang paglilista sa mga community affairs development program ng pulisya. (Dindo Matining)