Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tikman ang mga pambatong tsibog sa Cavite

0 51

Isang maulang buong Linggo mga Ka Trip Mo, Trip Ko. Dahil malamig na ang ating panahon at sigurado akong mas lalamig pa dahil sa nalalapit na nga ang ating kapaskuhan. Ito ang mga panahon na masarap kumain.

Ito din ang panahon na sira ang diet ng mas marami. Hindi man puwede pa ang mga events sa panahon natin dahil sa pandemic pero alam kong hindi ito magiging hadlang para mawala ang food trip natin kahit pa na nasa bahay lamang tayo. Dahil kahit ako ay nagluluto ng mga pagkaing nami-miss ko at mas lalo pa nga akong nahasa dahil sa ilang buwan na walang bukas na restaurant at limitado lamang din ang paglabas ng bahay.

Puntahan at usisain natin ngayong Linggo ang mga pagkaing tila hindi na ninyo natitikman at hindi nyo na din masyado nakikita. Tulad na lamang ng Cavite kung saan ay mabilis na din ang pag- unlad.

Nakapag- explore na ba kayo ng mga pagkaing local nito? Kasi madalas kapag tayo ay namamasyal ang hinahanap agad natin ay ang madalas na din natin kinakain. Kaya naman minabuti ko na bigyan kayo ng mga tips para kapag kayo ay nag punta sa mga destinasyon, na atin ng nalathala ay hanapin ninyo at huwag nyo ng palagpasin pa dahil dapat, bagong lugar bagong putahe!

Ang sinasabi kong putahe ay yun talagang pagkaing nakakabusog.

Tara na at tikman natin ang masasarap na pag kain sa Cavite. Sakto ito mga ka- Abante dahil hindi nyo na kailangan pang bumiyahe ng ilang oras para makatikim ng mga pagkaing ihahain ko sa inyo.

Mahilig ka ba sa kare-kare? Ngunit ayaw mo at para sa iba ay bawal kumain ng baka? No worries na! Dahil orihinal dito sa Cavite ang kare-kareng manok. Ito ay parehas lamang ng kare-kare na madalas natin kainin pero mas madali itong lutuin at di hamak na mas mura ang manok kaysa sa baka. Pero ang sarap hindi nalalayo sa panlasang hanap ninyo.

Bukod sa makulay na kasaysayan ng lugar na ito, sila ay pinagpala din sa mga yamang dagat. Naalala ko pa paborito ko noon ang kumain sa floating restaurant na matatagpuan sa coastal. Naabutan ninyo ba yun? Naku madalas kapag papunta kami ng nanay ko sa Cavite doon kami talaga kumakain. Ang paborito kong putahe dun ay ang kanilang inihaw na pusit na sobrang fresh! Mahilig din ba kayo sa pusit? Well itong susunod nating putahe ay kakaiba talaga dahil ang sahog ng kanilang pancit ay pusit. Madalas ang alam natin ay sa palabok ito hinahalo pero para sa mga Caviteña masarap din ito sa pancit at ang tawag nila dito ay pancit de choca o pancit choco en su tinta. Ang kulay ng pancit na ito ay itim dahil na din sa tinta ng pusit at dahil inadobo muna ito bago ihalo sa pancit.

Kaya kung ikaw ay pusit na at pancit lover, swak ang pancit na ito sayo.

Ang pancit na ito ay talagang orihinal na nagmula sa mga taga Cavite na sobrang mahal na mahal nila.

Hanap nyo rin ba ang putaheng may bongang twist? Naku huwag nyo din palagpasin ang kanilang specialty na pochero con sara o lagang baka con sarsa kung tawagin nila dito. Ito ay ang pocherong putla dahil niluto ito ng walang tomato sauce at ang twist dito ay hindi kompleto ang putaheng ito kung walang dinurog na kalabasa, kamote, talong at dinikdik na bawang at may konting suka.

Idagdag na din natin ang kilawin ng mga Caviteñean.

Mamamangha kayo sa kanilang kilawin dito, dahil imbes na mga sariwang isda ang gamit nila, ang kanilang ginagamit dito ay papayang hindi pa hinog. Ito ay niluluto din nila sa suka at hinahaluan ng lapay at hiniwa hiwang tuwalya ng baka.

Oh ano pang hinihintay ninyo? Larga na sa Cavite at hanapin ang mga pagkaing aking hinain sa inyo. Tunay ngang hindi lamang sa ganda ng lugar ka mamamangha kung hindi sa mga pagkaing tatatak sa iyong panlasa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.