Abante Tonite Interactive

Tim Cone saludo kay Mark Caguioa

By
846

Saludo si coach Tim Cone sa tibay at tikas ng kanyang ve­teran guard sa Ginebra na si Mark Caguioa.

Sa edad 38, naging pang-16 na miyembro ng 10,000-point club si Caguioa. Nilista niya ito sa 106-92 win ng Gin Kings kontra NLEX sa Governors Cup eliminations noong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.

Sa tinatakbo ng career ng The Spark, hindi na magtataka si Cone kung mapapantayan nito si living legend Robert Jaworski sa tagal ng paglalaro sa PBA.

Edad 50 ang nagpauso ng Never Say Die sa Ginebra na si Big J nang isabit ang kanyang No. 7 jersey noong 1998.

“With Mark, you never know. He can play ‘til he’s 50,” lahad ni Cone. “Mark is really special in terms of his body and what he does to it. He can really play until he is 50, follow the lines of the Big J.”

Sina Jaworski, Francis Arnaiz at Caguioa ang tanging tatlong pla­yers na nakatipon ng 10,000 points habang naglalaro sa Ginebra. At si Caguioa lang ang pangalawang aktibong player na sa elite club kasunod ni James Yap ng Rain or Shine.

Nanghinayang pa si Cone na hindi niya agad nahawakan si Caguioa, third pick overall ng Ginebra noong 2001.

“I’m glad that I’ve been able to coach him for the last couple of years,” dagdag ng two-time grand slam coach. “I would have loved to coach him when he was younger and in the prime of his career. But I’ll take what I can get.”