Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Time out muna sa pamumulitika

0 97

Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nawalan ng trabaho at kabuhayan ang mga Pilipino dahil sa dinadanas na COVID pandemic sa bansa.

Dumating na ang donasyong bakuna ng China para sa Pilipinas pero hindi ito ang tatapos sa pandemya dahil kinakailangan na maabot ang tinatawag na herd immunity o katumbas ng 70 porsiyento ng populasyon ang naturukan na ng bakuna.

Pero ang lubhang nakakadismaya ay ang nagkalat ngayong mga banners at streamers na ang mensahe ay humihimok daw kay Davao City Mayor at Presidential Daughter Sara Duterte na tumakbong Presidente sa darating na 2022 Presidential elections.

Gaano kaya katotoo ang kumakalat na balitang ang nag-imprenta ng mga banner at streamer ni Mayor Sara ay ang official printing company ng Philippine National Police (PNP).

Sana lang ay hindi pera ng taumbayan ang ginagastos sa mga gimik na ito .

Mayroon kaya na maglakas ng loob ng mag-imbestiga sa official printing company ng PNP or walang kikibo dahil anak ng Pangulo ang nakikinabang?

“Bumenta” na ang ganyang gimik noong 2016 Presidential elections na kung saan ay ayaw daw tumakbo na noon ay si Mayor Rodrigo Duterte pero sa dakong huli ay sumabak din sa eleksiyon at ika nga ay naboladas ang mga botante.

Walang masama kung himukin si Mayor Sara na kumandidato kahit pa hindi pondo ng bayan ang ginagastos dito pero may pandemya at maraming Pilipino ang umaaray sa epekto na dulot nito.

Kung talagang mabuti ang layunin ng mga streamers na ito ay sa halip na “Run Sarà Run” ang ilagay ay makabuting ikampanya na lang ay ang pagkumbinse sa publiko na magtiwala sa bakuna upang mawakasan na ang pandemya.

Tama na muna ang pamumulitika dahil hindi pa panahon at lalong hindi ito sagot sa mataas na bilihin ngayon, kawalan ng maraming trabaho at kabuhayan ng mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.