Abante Tonite Interactive

Times Bar sa Makati binulaga sa buy-bust

By
685

Mahigit 100 mga kostumer ang dinampot at iba’t ibang uri ng mga party drug ang nasamsam ng mga ope­ratiba ng Makati City Police sa isinagawang buy-bust operation sa isang high-end bar sa nasabing lungsod kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa mga nasamsam na droga ay cocaine, shabu, ecstasy at mga high-grade kush o pinatuyong dahon ng marijuana at nakakum­piska rin ng mga drug paraphernalia sa Times Bar na matatagpuan sa Makati Avenue, Brgy. Poblacion.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar, mayroong mga guest na 57 dayuhan at 66 Pinoy, kabilang na ang 31 mga empleyado ng Times Bar ang dinala sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City Police para isailalim sa beripikasyon at interogasyon.

Sinabi ni Sr. Supt. Roger Simon, hepe ng Makati City Police, nakatanggap sila ng tip mula sa kanilang impormante kaugnay sa diumano’y talamak na bentahan ng party drugs sa loob ng Times Bar kaya agad na ikinasa ng SDEU ang buy-bust operation bandang alas-3:30 ng madaling-araw.

Mismong mga empleyado umano ng bar ang nagbenta ng iligal na droga sa mga police asset.

Sinabi pa ni Simon na isinagawa ang buy-bust operation kasunod na rin ng pagkakaaresto kamakailan ng isang suspek na nagbebenta ng party drugs na siyang nagturo sa impormante ng mga pulis na positibo umano ang bentahan ng iligal na droga sa nasabing bar.

Nakasamsam ang mga operatiba ng 19 sachet na naglalaman sa kabuuan ng 315 gramo ng cocaine na nagkakahalaga ng P1,575,000; 15 piraso ng ecstasy capsule na may street value na P22,800; apat na ecstasy tablet; isang sachet ng high-grade kush; isang kalibre .38 na baril na kargado ng limang bala, ilang drug paraphernalia at nabawi rin ang P22,500 marked money na ginamit sa buy-bust.

Kinumpiska rin ang dalawang vault na pinaniniwalaang may laman na mga iligal na droga.

Samantala, todo-tanggi naman umano ang manager ng bar na si Damnu Regino at sinabing wala siyang alam sa nagaganap na iligal na aktibidad sa nasabing establisimiyento.