Abante Tonite Interactive

Tinakasan ni misis, nagbigti

418

Nakabitin na sa kanilang kisame nang makita ng isang misis ang kanyang mister matapos niya itong takasan kasama ang kanyang anak na babae sa takot na muling saktan.

Pauwi na sa kanilang bahay sa Paco, Maynila, kahapon ang misis nang salubungin ito ng kapitbahay at ibinalita na nagbigti ang asawa nito.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-homicide section, dakong alas-9:00 Linggo ng umaga nang bumulaga sa ginang ang nakabigti na mister gamit ang kulay dilaw na nylon cord.

Ayon sa misis, kapag nalalasing ang asawa nito ay sinasaktan siya nito, at noong Sabado umano ay nagpaalam itong may pupuntahang reunion pero hindi ito pinayagan ng mister, kaya naman tumakas na ito para makadalo sa event.
Dakong alas-dos nang hapon noong Sabado ay tumawag pa umano ang kanyang asawa para pauwiin siya pero dahil nasa gitna ito ng kasiyahan ay hindi ito sumunod.

Umuwi umano ang ginang sa kanilang bahay Sabado nang gabi ngunit nakita nito na umiinom ang kanyang asawa kaya naman isinama nito ang 8-anyos na anak na babae at umalis para magpalipas ng gabi sa dati nitong kaklase.
Kinabukasan nga ay tumambad sa kanya ang wala nang buhay na mister.