Abante Tonite Interactive

Tinawag na pangit ang tiyuhin initak

318

Pinagtataga hanggang sa mapatay ng isang lalaki ang kanyang pamangkin matapos mapikon nang tawagin siyang pangit Lunes nang gabi sa Davao City.

Dead on-the-spot dahil sa tinamong taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Romullo Alonzo Pandian.

Naaresto naman ng pulisya ang suspek na si Romeo Tamale Alonzo, magsasaka, kapwa mula sa tribong Lumad at taga-Barangay Tambobong, Baguio District, Davao City.

Sa ulat ni P/Maj. Achilles Bargio, Station Commander ng Baguio District Police Station, naganap ang insidente pasado alas-siyete nang gabi habang nasa kalagitnaan ng inuman ang magtiyuhin sa Brgy. Tambobong, Baguio District.

Napag-alamang nang malasing na ang biktima ay kinantiyawan nito ang suspek na pangit ang pagmumukha nito.

Umuwi ng bahay ang suspek at pagbalik ay armado na ng mahabang itak at ilang beses inundayan ng taga ang pamangkin na agad nitong ikinamatay.
Kusang-loob naman itong sumama sa rumespondeng pulisya at sinabi na sobra siyang nagalit nang pagtawanan siya at tawaging pangit ng pamangkin. (Edwin Balasa)