Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tindero binoga ng kaaway

0 186

Nasawi ang isang fish vendor habang sugatan naman ang kanyang kaibigan matapos siyang pagbabarilin ng suspek na dati niya umanong nakaalitan, Huwebes ng gabi sa Tondo, Maynila.

Idineklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Raquim Guadayo, 28, residente ng Temporary Housing sa Aroma Compound, Vitas, Tondo.

Habang inoobserbahan naman sa nabanggit na pagamutan ang kasama niyang si Gilbert Maata, 48, residente ng parehong compound, dahil sa tama ng bala sa pisngi.

Samantala, pinaghahanap ng mga pulis ang suspek na nakilalang si Joshua Prado, na tumakas matapos ang umano’y pamamaril.

SM food to go Banner Ad

Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Rodolfo Acosta ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente sa harap ng Bldg. 16, Temporary Housing, Aroma Compound, alas-8:55, kamakalawa ng gabi.

Nag-iinuman umano ang mga biktima sa bahay ni Maata nang ipasiya nilang maglakad palabas. Pero lingid sa kaalaman ng dalawa ay sinundan sila ng suspek at saka pinagbabaril.

Sinasabing may dati nang alitan sina Prado at Guadayo dahil sa cellphone ng pinsan ng huli na ninakaw umano ng nauna. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.