Abante Tonite Interactive

Tinga ni congressman tumalsik sa reporter

427

Maraming mambabatas ang nagpapaulan ng laway sa mga kaharap na tao, pero kakaiba naman ang ginawa ng isang miyembro ng Lower House.

Kagagaling lamang sa tanghalian, sumabak agad sa ambush interview at hindi man lang nagsepilyo ang probinsyanong kongresista.

Kahit man lang pagmumog, hindi yata ginawa ni congressman kaya’t nagkalat ito sa ambush interview.

Habang nagsasalita kasi si cong., aba’y may tumalsik sa kanyang bibig na tila tinga sa kinain nitong karne.

Tumalsik ito sa direksyon ng lady reporter at mabuti na lamang ay hindi tumama sa kamay kundi sa cellphone.

Sa kabila nito, nandiri sa kanyang nakita ang reporter, kulang na lamang ay buhusan ng isang litrong rubbing alcohol ang cellphone kung nagkataon na waterproof ito.

Clue. Ang congressman na nagpaulan ng tinga sa interview ay taga-Luzon. May letrang S sa kanyang pangalan as in Siyokoy.