Abante Tonite Interactive

Tinginan sa tapsilogan nauwi sa saksakan

375

Nauwi sa saksakan ang pagtatalo ng isang pedicab driver at helper dahil lamang sa masamang tinginan sa harap ng tapsilogan sa Malabon City, kahapon nang madaling-araw.

Nakaratay ngayon sa Tondo Medical Center si Alfredo Lozano, 47, binata, taga-No. 12 Gulayan St., Sto. Niño, Brgy. Concepcion ng nasabing lungsod dahil sa tinamong saksak sa puwet.

Makalipas ang ilang minuto, huli sa follow-up operation ng Police Community Precinct (PCP) 7 ang suspek na si William Espiritu, 27, nakatira sa Katarungan St., Brgy. Muzon, Malabon City.

Kinasuhan siya ng frustrated homicide sa Malabon City Prosecutor’s Office.
Ayon sa ulat, ala-una ng madaling-araw nang mangyari ang pananaksak sa harap ng tapsilogan sa kahabaan ng Gov. Pascual, Brgy. Concepcion.
Papaalis na ang biktima nang masalubong nito ang suspek at magkatinginan ang dalawa.

Kasunod noo’y nagtalo na ang dalawa hanggang sa bunutin ni Espiritu ang dalawang patalim at tinarakan si Lozano.

Tumakbo papalayo ang suspek ngunit ilang minuto lang ay nahuli pa rin ito ng mga pulis at isinuko ng kaanak na si Mayet ang patalim na ginamit ng una. (Orlan Linde)