Abante Tonite Interactive

Tinubuan ako ng herpes

547

Kaye Dacer

Dear Mam Kaye Da­cer,
Kumusta po kayo? Sana po ay ok kayo 10 ng inyong mga mahal sa buhay.

Mam meron po akong personal na idudulog sa inyo at sana po ay huwag niyo nang banggitin ang aking pa­ngalan.

Ito po kasi ay masama kong karanasan sa aking mister. Siya po ay isang manager sa isang construction firm na ‘di ko na rin po sasabihin ang pangalan.

Maganda po ang a­ming buhay dahil maganda po ang kanyang suweldo kaya masasabi ko po na kami ay nakakaa­ngat-angat sa buhay kahit papano. ‘Di ko po alam bakit sa inyo ko na-email ang problema kong ito.

Marahil ako po ay naghahanap ng taong masusumbungan at mapaghihingahan ng aking sama ng loob. Isang taong alam kong puwede kong pagkatiwalaan dahil alam ko po na ‘pag sa mga kaibigan ko ito nasabi o mismong sa aking mga magulang o kamag-anak ay mag-iiba ang kanilang magandang tingin sa aking mister. Kaya naisip ko po na sa inyo ko ito isusumbong.

Maganda naman po ang aming pagsasama hanggang sa may nadiskubre po akong ‘di maganda. Ito po ay noong may naram­daman ako sa aking katawan. Noong una po ay naisip ko na ang pagsakit-sakit ng a­king tiyan at puson ay dahil lamang sa isang impeksiyon sa pag-ihi kaya po ako ay nagpa-check up sa aking doktor.

Napag-alaman ko po na ako ay may herpes. Laking gulat ko po bakit ako magkakaroon no’n samantalang ako po ay isang malinis na babae at simula po nang ako ay ikasal taong 2002 ay naging tapat po ako sa kanya.

Na-explain po sa akin ng doktor na baka ako daw po ay nahawaan ng aking mister. Doon na po ako nag-umpisang mag-imbestiga.

‘Di ko po muna sinabi sa kanya ang aking sakit dahil ang plano ko po talaga ay hulihin siya. ‘Di ko po alam kung bakit ‘di ako nakaramdam ng paghihinala sa kanya noon pa. Marahil siguro ay ‘di na rin po kami ganoon kadalas magsiping dahil lagi po siyang pagod sa trabaho at ako naman po ay abala rin sa aking online business at mga anak.

Ito po Mam Kaye ang aking nadiskubre. Isang araw po ay sinundan ko siya sa kanyang trabaho. Nagpaalam po ako sa kanya na may out of town po kami ng aking kapatid dahil kami ay magde-deliver ng mga order na online pro­ducts namin. Puma­yag naman po siya at tinanong kung anong oras po ako makakauwi. Ang sabi ko po ay baka madaling-araw na kami. Sa madaling salita po ay nadiskubre ko ang aking asawa na nagpupunta sa isang spa na nasa Quezon Ave­nue mam.

Mam huwag niyo muna po banggitin ang pangalan ng spa kung maaari pero ito po ay kilalang spa sa Quezon Avenue. Pag-uwi po ng aking mister ay laking gulat niya na nandu’n na po ako sa bahay at doon ko na po siya kinompronta at sinabi ko ang aking sakit.

Umamin naman po siya sakin na siya daw po ay nayayaya lamang ng mga kaibigan at inamin din niya na siya daw po ay nagkasakit din at ‘di sinasadya na ako ay kanyang mahawaan. Halos gumuho po ang aking mundo sa aking narinig na pag-amin niya.

Mam ang akin po sanang hihilingin ay sana magawan ng paraan ng ating pamahalaan ang mapatigil ang mga ganitong uri ng spa na front naman po pala ng prostitusyon. Mam sana po ay may magawa tayong hakbang para maisara ang mga ito. Sobra po ang sakit ng nangyari na ito sa a­ming mag-asawa.
Anna