Abante Tonite Interactive

Tio nakawala sa anino ng mag-utol na Nieto

By
177

Palaging “Unsung Hero” ang role ni Tyler Tio sa Ateneo, siyempre ang madalas nagiging bida tuwing mananalo ang Blue Eagles ay sina Thirdy Ravena at magkapatid na Matt at Mike Nieto.

Subalit habang tumatagal ay nagkakaroon na ng sariling pangalan ang sophomore guard na si Tio.

Sa huling dalawang laro ng Ateneo sa 81st UAAP basketball tournament ay ipinakita ni Tio ang kanyang tikas, humaba ang kanyang playing time dahil hindi nakakalaro ang kambal na Nieto dahil nagpapagaling sila sa natamong dengue.

Naglaro ng mahigit 26 minuto si Tio nang talunin nila ang University of the Philippines, nagtala siya ng 12 points, limang assists at dalawang rebounds.

Ayon kay Tio, hindi niya sinasayang ang minutong ipinagkakatiwala sa kanya ng kanyang coach.

“I tried to do my best during the practices to earn the trust of the coaches,” saad ni Tio.

Hinugot si Tio ng Ateneo mula Xavier School pero hindi siya nakalaro nakaraang season.

Noong Sabado, mu­ling nasilayan ang ga­ling ni Tio, inaako muna nito ang mga trabahong pansamantalang iniwan ng magkapatid na Nieto.

“Ang laking tulong niya lalo na wala si Matt. Nag-step up siya sa role na main point guard namin,” patungkol ni Ravena kay Tio.

Kaya habang wala ang Nieto brothers ay si Tio muna ang magtitimon para sa Ateneo.