Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tipid-tips sa petrolyo

0 163

Umaabot na sa mahigit P60 ang litro ng gasolina sa ilang gasolinahan habang ang litro ng diesel, lagpas P50 na. Walong linggo na kasing walang puknat ang oil price hikes sa local market. Ang taas-presyo, hindi lang katiting kundi bigtime!

Sa pagtaya ng oil experts, hindi malayong magtuluy-tuloy pa ang serye ng taas-presyo sa petrolyo. Winter season na kasi sa ibang bansa kaya mas tumataas ang demand sa langis at krudo na ginagamit na panggatong. Ang galaw sa world market, ramdam hanggang dito sa atin.

Kaya umaaray na ang mga motorista at drivers ng mga pampublikong sasakyan. Katunayan, naghain na ng petisyon para sa dagdag-pasahe ang ilang transport groups kamakailan. Nais nilang maging P12 ang kasalukuyang P9 na minimum fare sa jeep sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon.

Sa tuwi-tuwina, ang sagot ng gobyerno – inaangkat lang natin ang petrolyo sa ibang bansa. Ibig sabihin, mercado ang nagdidikta ng presyo. At dahil sa umiiral na Oil Deregulation Law, tali ang kamay ng pamahalaan sa isyu ng presyuhan. Ang tangi lang magagawa ng Department of Energy, tiyaking patas at naaayon ang oil prices sa merkado.

Ang naiiwang luhaan sa isyung ito – mga consumer. Ang magagawa lang natin sa ngayon – magtipid sa konsumo ng petrolyo. Paulit-ulit na payo na ito ng mga eksperto, mag-carpooling. Kung pare-parehong may lakad, sabay-sabay nang umalis at gumamit ng isang sasakyan para makamenos.

Iwasan din daw magmaneho ng tanghaling tapat kung kailan mas mabilis mag-evaporate at kumonsumo ng petrolyo. Huwag din daw gawing imbakan ng mga gamit ang compartment para hindi masyadong bumigat ang sasakyan. Mas makonsumo sa petrolyo kapag mabigat o maraming sakay ang sasakyan.

Importante ring regular na ipa-checkup ang sasakyan para makita kung maayos pa ang takbo nito. Kung gabi naman magmamaneho, huwag nang magbukas ng aircon para mas makatipid sa konsumo ng petrolyo.

Pinakamabisa ring paraan ang pagpapakarga ng petrolyo sa mga kilala at suking gasolinahan. Maghanap ng mga gas station na nag-aalok ng promo. Ang Petro Gazz, nagbibigay ng diskuwento sa mga PUV o public utility vehicles. May promo rin ang ilang piling gasolinahan nila sa mga regular customer.

Ang sa akin lang – sa hirap ng buhay ngayon, kailangan talagang maging wais para makatipid sa konsumo ng petrolyo. Ang perang matitipid, puwede pang magamit sa mas importante at kailangang bagay ng pamilya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.