Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tips para Iwas Budol

0 108

Ber months na, nagkalat na naman ang mga kawatan. Kanya-kanyang modus para makapambiktima at makapanlamang ng kapwa.

Sa Tanza, Cavite, isang pitumpu’t dalawang taong gulang na ginang ang sumadya sa Rescue and Command Center ng munisipyo nitong Biyernes para ipa-review ang kuha sa CCTV.

Diumano’y nabiktima siya ng budul-budol gang at nagbabakasakaling naplakahan ang sasakyan na gamit ng mga suspek.

Kuwento ni Aling Georgia, hindi niya tunay na pangalan, sarado ang pagwi-withdraw-han niyang bangko sa bayan kaya nagpasya na lang siyang umuwi.

Habang naglalakad papunta sa terminal ng jeep, isang babae raw ang lumapit sa kanya at nagtanong. Sinundan ito ng isa pang babae na nag-alok naman daw ng libreng sakay sa kanya papunta sa isa pang sangay ng bangko. Sa madaling salita, sumama siya sa dalawang babae.

Malinaw sa alaala ni Aling Georgia kung ano ang nangyari. May limang tao raw ang sakay ng AUV. Sa loob ng sasakyan, unti-unti raw kinuha ang loob niya at pinapaniwala sa mga bagay-bagay. Sinabihan daw siyang mag-withdraw ng P50,000 at dodoblehin nila ang perang ito.

Bago siya pababain ng sasakyan, nagbalot pa raw ang mga suspek ng daan-daang libong pera sa brown envelope at inihabilin sa kanya. Pagdating sa bahay, bungkos ng papel lang pala ang laman ng supot.

Sa isang iglap, natangay na ng mga kawatan ang singkuwenta mil ni Aling Georgia.

Ang problema, wala siyang nakuhang impormasyon kaugnay sa mga taong nag-alok sa kanya ng libreng sakay. Ni hindi niya rin mailarawan ang hitsura ng mga kawatan dahil may suot na face mask ang bawat isa.

Sabi ng Tanza Rescue, mga senior citizen ang karaniwang biktima ng budol-budol gang.

Hindi ito ang unang beses na nakarinig ako ng kuwentong gaya nito. Nakagawa na rin ako ng segment tungkol dito sa isang episode ng Brigada sa GMA News TV. Pero sa istoryang ‘yon, hindi nakaligtas ang ginang. Matapos limasin ang pera at mga alahas ng matanda, pinatay pa siya ng mga suspek.

Maging ako, na-budol-budol na rin. Take note, imported pa – sa ibang bansa ako nadali. Sa Malaysia ako nabiktima ng mag-asawang nagpanggap na turista rin. ‘Yun pala, nakuhanan na ako ng pera nang di ko namamalayan.

Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, naglipana ang mga ganitong uri ng modus. Ang nakapanlulumo, sa ganitong sitwasyon pang may pandemya sila gagawa ng masama at manlalamang ng kapwa.

Hindi nagkukulang sa paalala ang mga otoridad. Una, iwasang makipag-usap sa mga hindi kakilala lalo na ang makipag-transaksyon sa kanila. Ikalawa, huwag tatanggap ng kahit na ano mula sa taong hindi naman pamilyar sa’yo. Kahit pa bigyan ka ng pera o anumang bagay, just say NO. Mabuti nang nag-iingat.

Kapag sinabing dodoblehin ang pera mo, huwag agad maniniwala at masisilaw sa alok. Ika nga, ‘too good to be true’ – malamang manloloko ‘yan.

Hangga’t maaari, payak na damit lang ang isuot kapag lalabas ng bahay at pupunta sa mga public place. Iwasang magbalandra ng alahas o anumang mamahaling gamit na makapupukaw ng atensyon ng iba.

Sa huli, importante pa ring ipagbigay-alam sa pinakamalapit na police station kapag may kahina-hinalang kilos ng isang tao o pangyayari. Huwag magdalawang-isip na idulog ito sa kinauukulan.

Bukod sa COVID-19, doble ingat din sa mga masasamang loob!

Leave A Reply

Your email address will not be published.