Abante Tonite Interactive

Tipster tumiba ng ₱14M

515

Naging instant milyonaryo ang limang tipster o impormante na naging dahilan ng pagkakapatay at pagkakaaresto ng limang matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) matapos igawad sa kanila ang kanilang mga pabuya kahapon sa Camp Aguinaldo.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), umaabot sa P14,250,000 ang kabuuang pabuya na nakuha ng mga tipster sa awarding ceremony kahapon.

Mismong si AFP chief of staff Gene­ral Benjamin Madrigal ang personal na nagbigay ng pabuya sa limang tipster na sadyang hindi na pinangalanan.

Kabilang sa napatay na lider ng CPP-NPA sina Victorio Tesorio na mayroong P5 milyon pabuya sa ulo na wanted sa mga kasong multiple murder, frustrated murder at iba pa, nasa ika-12 ito sa listahan ng most wanted person ng Department of National Defense and Department of Interior and Local Government (DND-DILG).

Isa pang high value target na nadakip naman sa tulong ng tipster ay si Promencio Abaya Cortez, na may patong na P4.8 milyon sa ulo dahil sa mga kasong multiple murder, frustrated murder, rebellion at iba pa, nasa ika- 26 ito sa listahan ng DND-DILG.

Napatay din sa operasyon matapos ituro ng tipster si Deomedes Apinado na may P2.2 milyon pa-reward dahil sa kasong 4 counts of murder at nasa pang 73 sa listahan ng most wanted person.

Naaresto din si Mauricio Sagun na may patong na P1.7 milyon sa kanyang ulo at Jaime Soledad na may P550,000 pabuya sa kanyang ulo.

(Edwin Balasa)