Abante Tonite Interactive

Tirador ng motor tigok sa checkpoint

162

Isang tirador ng motorsiklo ang napatay makaraang kumasa sa inilatag na police checkpoint sa Barangay Perez, Meycauayan City, Bulacan, Linggo ng hatinggabi.

Batay sa ulat kay Police Col. Emma Libunao, acting provincial police director ng Bulacan, nakilala ang suspek na si Darwin Nacilla, nasa 20-25 ang edad.

Dakong alas-12:25 ng hatinggabi nang maganap ang insidente makaraang tutukan ng baril ng suspek ang isang lalaking bibili lamang ng pagkain saka tinangay ang motorsiklo nitong Yamaha MIO.

Agad humingi ng tulong sa mga awtoridad ang biktima kaya ikinasa ng mga pulis ang pagtugis sa suspek hanggang sa mati­yempuhan ito habang lulan ng tinangay na motorsiklo papalapit sa isang checkpoint.

Pero sa halip na huminto, binunot ng suspek ang dalang baril sa kanyang sling bag at pinutukan ang mga pulis na nakasuot ng bullet proof. Gumanti ng putok ang mga pulis at bumulagta ang suspek.

Narekober sa suspek ang isang baril na kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala, isang pakete ng shabu, ang tinangay na motorsiklo at ang sling bag nito na naglalaman ng mga personal na gamit.

Ayon sa pulisya, tinukoy ang suspek na sangkot sa serye ng pagnanakaw ng mga motorsiklo sa Meycauayan City at mga karatig lugar. (Jun Borlongan)