Tirador ng P700M stock scam lumaya sa 36K
Makalipas lamang ang 11 araw ng pagkakakulong ay nakalaya na rin ang 44-anyos na lalaking clerk ng R&L Investment na itinuturong nagnakaw ng P700 milyong shares of stock ng kanilang mga kliyente matapos magpiyansa ng halagang P36,000.
Batay sa court record, kinasuhan si Marlo Naripe Moron, ng qualified theft dahil sa pagnanakaw ng aabot sa P700 milyong halaga ng stock holdings ng R&L Investments.
Matapos mabunyag ang pagnanakaw ay nagsara ng operasyon ang R&L Investment, na isa sa pinakamatandang investment company sa bansa.
Nabatid na inutos ni Mandaluyong Regional Trial Court Judge Carlos Valenzuela noong Biyernes, Nobyembre 15, na palayain ng Anti-Cybercrime Division ng Philippine National Police si Moron.
Itinakda naman sa Nobyembre 21 ang pagbasa ng sakdal laban kay Moron.
Matatandaang inaresto si Moron noong Nobyembre 4 sa loob ng tanggapan ng R& L Investments sa Mandaluyong City.
Umamin si Moron sa pagnanakaw ng stock inventory ng R&L Investments.
Dahil sa pangyayari, inatasan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Philippine Stock Exchange-Capital Markets Integrity Corp. (PSE-CMIC) na i-takeover ang R&L Investments at magsagawa ng kaukulang imbestigasyon matapos malusutan sa pinakamalaking stock scam sa kasaysayan ng PSE. (Nancy Carvajal)