Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tita niratrat sa away lupa

0 280

Sa tindi ng galit, anim na bala ang itinanim ng isang security guard sa kanyang tiyahin matapos sugurin sa loob ng kanilang bahay at pagbabarilin dahil sa awayan sa lupa sa Imus City, Cavite.

Dead on the spot ang biktimang si Ma. Victoria Ranara, ng Lancerville Subd., Brgy Malagasang II-A Imus City, Cavite dahil sa tama ng kalibre 38 mula sa pamangkin nitong si Jerome Garcia Dominguez, nasa wastong edad, isang Security Guard at kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ni Corporal Jessie Villanueva, ng Imus City Police Station, alas-10:30 kamakalawa ng umaga nang sugurin sa loob ng kanilang bahay ng suspek ang biktima na magkapitbahay lamang.

Pero ayon kay Villanueva, bago naganap ang insidente ay kinausap umano ng suspek ang kanyang tiyahin tungkol sa bahagi ng lupa na tila nasasakop na ng huli pero hindi umano siya pinapansin.

Dahil sa sinasabing pagbalewala ng tiyahin, kumuha ng kalibre 38 baril ang suspek, sumugod sa kanilang bahay at inubos ang anim na bala ng kalibre 38 sa katawan ng biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Ayon kay Villanueva, matagal na umanong hindi maganda ang relasyon ng dalawang pamilya dahil lamang sa awayan sa lupa ng kinatitirikan nilang bahay.

Naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow up operation ng pulisya. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.