Abante Tonite Interactive

Titiba ang mga driving school

310

Nagpalabas ng kautusan ang Land Transportation Office (LTO) patungkol sa bagong polisiya sa pagkuha ng student permit sa mga mag-aapply ng ­lisensya sa pagmamaneho.

Alinsunod sa ­direktiba ng LTO, kailangang ­sumailalim muna sa 15 hours training sa alin mang accredited driving school ang isang aplikante o kukuha ng student ­license permit bago ito maisyuhan.

Ang hakbang ayon sa LTO ay ipinatupad para madisiplina ang mga ito sa pagmamaneho at malaman ang mga batas at patakaran sa Transportation Laws.

Isa rin sa pinaghugutan ng LTO sa bagong polisiyang ito ay ang report ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may 12,000 driver sa Metro Manila ay may minimum na tatlong traffic violations sa kalsada.

Ibinibigay ang student drivers license bilang inisyal na lisensya para mag-aral na makapagmaneho pero hindi pa ito maaaring magdala ng sasakyan sa kalsada ng walang kasamang may professional drivers license permit.

Maganda ang layunin ng LTO dahil talaga namang nakakagulat na may mga hawak ng professional driver’s license ay madalas pa ring masangkot sa traffic violation.

Ang hindi lang tayo sang-ayon ay ang pagbibigay kapangyarihan ng LTO sa mga accredited driving school para doon sumailalim sa 15 oras training bukod pa sa ura-uradang implementasyon.

Base sa plano sa Abril ngayong taon na ito ­ipatutupad.

Kaya medyo tumataas ang aking kilay. Hindi pinlano ng mabuti at iniasa na lamang sa mga pribadong sektor ang pagsasanay sa mga student driver.
Kung talagang pagpapatino sa mga kukuha ng drivers license ­permit ang hangad ng LTO dapat tinutukan nila ang bagong programa nilang ito. ­Pinlano ng maayos at hindi basta na lamang ipapasa sa mga pribadong sektor o mga driving school.

Maari ring nakipag­-ugnayan ang LTO sa TESDA para sa bagong polisiyang ito upang sa gayon ay makakasiguro tayong sa gobyerno mismo nangyayari ang transaksyon.

Hindi lang ‘yan, malaking pera ang kailangang isuka ng isang kukuha ng student license permit dahil ang kada limang oras ay nagkakahalaga ng P2,500-P6,000.

Kung 15-oras dapat sumalang sa training, ibig sabihin ay gagastos muna ang isang aplikante para sa student permit ng P7,500-P18K.

Masyadong madugo para sa isang driver na gustong magka-lisensya ang kautusang ito ng LTO para magmameho ng tricycle o anumang uri ng maliliit na klase ng sasakyan para makapaghanapbuhay.

Sana ay makipag-ugnayan ang LTO sa mga driving school para mabigyan ng abot-kayang halaga ang mga aplikante sa pagkuha ng permit para hindi ito batikusin ng ating mga kababayan.