Abante Tonite Interactive

Title sweep ng NU

By
14

Kinalos ng National U ang FEU, 25-22, 25-19, 19-25, 25-16, para walisin at iuwi ang korona ng Premier Volleyball League Collegiate Confe­rence kagabi.

Walang talo ang Lady Bulldogs sa siyam na laro sa season-ending conference ng ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Mikasa at Accel.

Huling nakalapit ang Lady Tamaraws 21-15 sa fourth set bago nilista ng NU ang apat sa huling limang puntos.

Nang lumusot ang matulis na kill ni Aiko Urdas ay sinelyuhan ng Lady Bulldogs ang kampeonato at umulan ang white confetti sa FilOil Flying V Centre sa San Juan. Sa bench ay nagsimula na ang selebrasyon ng Lady Bulldogs sa pangunguna ni coach Babes Castillo.

Tinuhog ng NU, inekisan din ang best-of-three series opener, 25-22, 21-25, 25-18, 26-24, ang pangatlong sunod na collegiate title pagkatapos ng back-to-back sa dating V-League.

Taas-noo pa ring nilisan ng Lady Tamaraws ang floor dahil sa pinakitang laban kahit wala ang top players nilang sina Bernadeth Pons at Kyla Atienza na naglaro kagabi rin sa UAAP beach volley finals.

Iniuwi ni 6-foot-5 NU giant Jaja Santiago ang conference MVP plum, ang teammates niyang sina Risa Sato at Gayle Valdez ang tinanghal na 2nd Best Middle Blocker at Best Libero.