Abante Tonite Interactive

Tito Sen, full support kay Grace Poe

268

Lubos ang suporta ni Senate President Vicen­te Sotto III at iba pang senador sa kandidatura ni Senator Grace Poe na naglunsad ng malaking political rally nitong Miyerkoles nang hapon sa Tondo, Maynila na dinumog ng mga tagasuporta niya, lalo ng mga tagahanga ni action king Fer­nando Poe Jr. o FPJ.

“Talaga namang full support ako sa kandidatura ni Sen. Grace Poe dahil nagmula kami sa industriya ng showbiz pero napatunayan namin na may kakayahan kami para maluklok sa Senado,” ani Sotto. “Maipagmamalaki ang kanyang achievements sa Senado at nagpakita siya ng political will lalo sa isyu ng minimum age of criminal responsibility na hindi dapat ibaba mula sa 15-anyos.”

Bukod kay Sotto, full support din kay Poe ang mga reeleksiyonistang sina Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ng ruling PDP-Laban, Cynthia Villar ng Nacionalista Party, Maria Lourdes ‘Nancy’ Binay ng United Nationalist Alliance, Joseph Victor ‘JV’ Ejercito ng Nationalist People’s Coalition, at Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino.

Tumatakbong independiyente, idiniin ni Poe na ang pagtitipon sa Tondo ay isang pagpapakita ng lakas, pagkakaisa at estratehikong alyansa ng mga nanunungkulang senador.

“Masaya ako sa aking pagbabalik dito sa Tondo. Wari ko parang dito ako nakatira. Nararamdaman kong anak ako ng Tondo dahil si FPJ ay inyong kasama. Pinalaki ako ni FPJ na maging matatag, may puso at maysikap na babaeng nasa inyong harapan ngayon upang maibalik ko naman ito sa inyo,” masayang sinabi ni Poe. “Ang aking u­nang anim na taon sa Senado ay puno ng pagsubok. Ang nagpapatnubay na prinsipyo sa atin ay ang mga taumbayan at ang kanilang interes.
Kapag gumagawa tayo ng batas, kayo ang nasa aming isipan. Ito ba ay makatutulong sa inyo, makababawas ba ito ng inyong mga pamatok, ito ba ay maka­tutulong para makamit ang inyong mga nais sa buhay?”

“Ang National Feeding Program ay isa nang ganap na batas at magmumula ang pondo sa 2019 budget. Ang mga batang kulang sa nutrisyon ay makakakain nang libre sa ilalim ng batas na ito. Ito ang ating laban kontra sa gutom at kahirapan,” diin ni Poe. “Nakatutok palagi ang ating atensiyon sa mga programang transportasyon. Tila lalong lumalala ang traffic kada taon, araw-araw, naglalaan tayo ng 12 oras sa kalsada. Imomonitor natin ang rehabilitasyon ng MRT3, konstruksiyon ng mga karagdagang linya, ang MRT7.

“Higit pang lumala ang traffic bunsod ng mataas na presyo ng gasolina kaya walang tigil ang ginagawa nating follow up sa distribusyon ng Pantawid Pasada vouchers. Karapatan ng mga jeepney owners at operators na tumanggap nito base na rin sa TRAIN Law.

“Hinihikayat din natin ang mga ina at ama na mapabakunahan ang kanilang mga supling. I­ligtas natin sila mula sa panganib ng tigdas at iba pang karamdaman,” dagdag ni Poe.