Abante Tonite Interactive

Tito susunod na Senate president – Ping

719

Kinumpirma ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang kasunduan sa pagitan nina Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III at Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III sa liderato ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Lacson, dati nang napag-usapan ang posibleng paghalili ni Sotto bilang lider ng Senado subalit hindi pa tiyak kung kailan ito ipa­tutupad.

Lumutang na posibleng maganap ang pagpapalit sa liderato ng Senado sa Hulyo o sa panahon ng paghahain ng Certificate of Candidacy sa Oktubre.

“Ngayon ’di pa napag-uusapan. Pero I understand there’s already an understanding between Sen. Sotto and Sen. Pimentel. Pero kung kailan ie-execute o implement, we do not know. Noon pa ito. Knowing SP Pimentel, ‘di siya magbabago sa ganitong klaseng usapan,” sabi ni Lacson.

Kung isasakatuparan anya ang kasunduan, handa namang sumunod ang mga miyembro ng Senado.

“Kung may standing agreement we will all res­pect the agreement and vote on what has been agreed upon,” giit ni Lacson.

Itinanggi naman kapwa nina Pimentel at Sotto ang kasunduan.

Ayon kay Pimentel, wala silang napagkasunduan subalit agad siyang magpapatawag ng majority caucus sa pagbabalik ng sesyon.

“No agreement. But will talk to Sen. Sotto immediately upon arrival. Then hold majority caucus,” ani Pimentel.

Binigyan-diin naman ni Sotto na bagama’t nakahanda siyang tanggapin ang anumang iaatang sa kanya ng mga kasamahan, hindi anya dapat na dalawang senador lamang ang nagkakasundo sa ganitong usapin.