Abante Tonite Interactive

Titser kinatay ng estudyante

By
2,081

Isang 23-anyos na babaeng public school teacher ang nasawi at dalawang estudyante ang sugatan matapos pagsasaksakin ng 17-anyos na mag-aaral sa loob ng opisina ng principal ng isang elementary school sa Pio Duran, Albay noong Martes nang gabi.

Duguan at wala nang buhay ang biktima na nakilalang si Mylene Durante nang madatnan ito ng mga rumespondeng awtoridad, ilang metro lamang ang layo mula sa opisina ng principal ng Oringon Elementary­ School dakong alas-11:00 nang gabi.

Hinala umano ng pulisya na tinangkang gahasain ang biktima dahil bukas ang butones at zipper ng short pants nito nang suriin ang kanyang bangkay ng Scene of the Crime Operatives.

Ayon kay Senior Inspector Joseph Jarabejo, hepe ng Pio Duran Police Station, isang grade 8 student ng national high school ang suspek sa pamamaslang matapos ituro ng dalawang grade 6 pupil na nakasaksi sa krimen.

Nasa kustodya na ito ngayon ng pulisya.

Samantala, maging ang dalawang estu­dyante na kasamang natutulog ng biktima sa opisina ng principal ay nadamay umano sa pananaksak pero nasa ligtas nang kalagayan ang mga ito matapos lapatan ng luna sa Pio Duran Memorial District Hospital.

Lumalabas sa imbes­tigasyon na pumasok ang suspek sa opisina ng principal kung saan natutulog ang biktimang guro kasama ang dalawang grade 6 pupil at inatake ng saksak ang mga ito.

Nagising sa pag-atake ang guro at para iligtas ang dalawang estudyante ay tumakbo ito palabas ng kuwarto pero sinundan siya ng suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak.

Nabatid na pinaya­gan ang biktima na matulog sa opisina ng kanilang principal para makatipid ito sa gastos dahil nasa bayan pa ng Polangui ang bahay nito na may 44 kilometro ang layo mula sa naturang paaralan.

Pinayagan din umano ang dalawang grade 6 pupil na samahan ang biktima sa pagtulog sa opisina ng principal.