Abante Tonite Interactive

Titser nalimas sa concert ng Imago, Parokya

By
797

Isang guro ang nata­ngayan ng P260,000 ng pekeng promoter matapos siyang makumbinsi na mamuhunan sa konsiyerto ng mga kila­lang banda na Imago at Parokya ni Edgar sa General Trias City, Cavite.

Laking pagsisisi ng gurong si Alma Requina, 51-anyos, dahil nagtiwala siya sa suspek na si Mary Samantha Ecraela.

Kuwento ng biktima sa Abante TONITE, nakilala niya ang suspek nang mangupahan ito sa pinarerentahan nilang apartment sa nasabing lungsod.

Nang makuha ang kaniyang loob, inalok umano siya ni Ecraela na mag-finance sa “concert for a cause” sa covered court ng kanilang subdibisyon.

Naisip naman umano ng biktima na maraming matutulungan ang “concert for a cause” kaya pumayag siya sa alok ng suspek. Una’y P25,000 umano ang kaniyang ibinigay na sinundan ulit ng P25,000 hanggang umabot sa halagang P260,000 ang naibigay niya sa suspek.

Pero, nagpalipat-lipat na ang petsa at lugar ng konsiyerto kaya nagsimulang magduda ang biktima hanggang sa inalam na nito sa mga opisyal ng homeowners association kung totoong nakare­serba ang covered court para sa magaganap na “concert for a cause” sa Disyembre 26 at 28.

Nang matuklasang peke pala ang konsiyerto, agad humingi ng tulong sa pulisya ang biktima.

Ikinasa ang entrapment laban sa suspek nang sinubukan ulit nito na humingi ng P5,000 para pang-ayos muna ng permit ng konsiyerto sa Department of Trade and Industry (DTI).

Pasado alas-otso ng umaga noong Sabado ay naaresto ang suspek na si Ecraela matapos tanggapin ang P5,000 marked money mula sa biktima.

Sa himpilan ng pulisya, lumutang din ang ilang complainant at nabistong gumamit rin ito ng iba’t ibang pangalan sa kanyang panloloko.

Nahaharap ngayon sa kasong estafa ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag kaugnay sa pangyayari.