Abante Tonite Interactive

Titulo nasunog sa pinagsanglaang bangko

412

Dear Atty. Claire,
Good day po. Pano po gagawin ko dito po sa lupa na kinatitirikan ng bahay namin?

Kasi po sabi po nila sinangla daw po ng lola ng asawa ko noon at nasunog daw po ‘yung bangko kung saan po sinangla.

Ngayon po gusto po sana namin pagawan ng sariling titulo ‘yung sa nasasakupan na lang po sana namin. Ano po bang puwedeng gawin namin dahil wala na po kasi ‘yung nagsangla. Hoping for your positive response!
Thank you po,
Mananganaleine

Dear Ms. Mananganaleine,
Ang una po ninyong gawin ay alamin muna kung ang titulo ng lupa ay nakapangalan pa sa lola ng asawa ninyo. Pumunta sa Assessor’s Office kung saan nakalugar ang lupa at humingi ng Certificate of Landholdings sa pangalan ng lola ng asawa ninyo. Doon ninyo malalaman kung mayroon pang ari-arian ang lola ng asawa mo.
Kung nakapangalan pa sa lola mo at malinis at walang anumang annotation ng real estate mortgage ay wala ka-yong dapat bayaran na utang at gumawa na lamang kayo ng extrajudicial settlement of estate ng lolo ng asawa mo upang mahati-hati na ang ari arian.
Kung may annotation naman ng real estate mortgage at lumagpas na ng 10 taon at hindi kayo n­asingil ng napagsanglaan ay maituturing na paso o na prescribe na ang karapatang maningil ng nagpautang. At maaari na ninyong ipa-surrender ang titulo dahil wala na kayong obligasyong bayaran ang utang. Kung nasunog ang bangko ay makipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas kung ano ang estado ng nasabing Real Estate Mortgage.
Kung hindi pa natatapos ang panahon na dapat bayaran ang utang ay maaaring makipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas upang malaman ang estado ng lupa na ang titulo ay hawak ng nasunog na bangko.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.