Abante Tonite Interactive

Titulo ng condo gustong ilipat sa ina

434

Hi Attorney Claire,
Ako po ay nagpahiram ng pera sa aking anak para ma-cash ang purchase ng isang condo unit. Ito po ay nangyari noong March 2017. Dahil ang anak ko ay nagtatrabaho sa abroad, ipinaubaya niya sa kanyang misis ang pag-aasikaso ng pagbili.

Nagkaroon na po ng title ang condo at nakapangalan sa kanyang misis, married to sa anak ko. Ngayon po ay medyo nagkaka­labuan ang pagsasama nila (may lalaki ang misis niya) at hindi naman ako nababayaran ng anak ko.

Gusto ko sanang mailipat sa pag-aari ko ang title pero baka hindi pumayag ang misis niya na pumirma.

Ang anak ko po ay sang-ayon na ilipat sa pag-aari ko ang condo. Ano po ang nararapat kong gawing halimbawa at ayaw pumirma sa transfer ng ownership ang misis niya? May karapatan ba akong habulin sa kanya ang pagmamay-ari ng condo? Kung nailipat sa akin at naisip ko pong ibigay sa anak ko, ano po ang gagawin ko?

Una na po ang pasasa­lamat ko sa tulong ninyo,
Anthony

Mr. Anthony,
Mas magiging malinaw ang aking tugon kung nakausap na ninyo ang misis ng anak ninyo. Dahil kung pipirma naman siya ay wala tayong magiging problema at gagawa lamang ng isang Deed of Assignment para mapakita na kayo ang tunay na may-ari nito at kailangang maibalik lamang sa inyo. May karampatang buwis nga lamang ang dapat na bayaran upang mailipat sa pangalan ninyo.

Kung nais ninyong ibigay ito sa anak ninyo matapos na mailipat sa inyo ay maaari ninyong i-donate sa kanya lamang (exclusive) at hindi kaparte ang asawa. Ilalagay ninyo sa Deed of Donation na sa kanya lamang at walang iba ang inyong donee.

Kung hindi papayag ay magsasampa pa kayo ng kaso upang maituwid ang tama. Maaari ka­yong magsampa ng Petition for Nullity of Title o kaya Quieting of Title pero papatunayan ninyo na galing sa inyo ang pambayad ng ari-arian at naipangalan lamang sa anak at asawa nito ang property. Ipapakita ninyo ang kakayanan ninyo financially na makabili ng condo samantalang ang anak ninyo ay wala.

Kung may katanungan ay tumawag lamang sa 4107624/ 9220245/5142143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.