Abante Tonite Interactive

Tiu, Almazan nagpaulan sa Rain or Shine matatag!

By
882

Laro ngayon (Legazpi City)
5 pm – Ginebra vs. NLEX

Sumakay ang Rain or Shine sa mainit na mga kamay ni Chris Tiu para ipagpag ang makulit na Blackwater 104-94 sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Pininturahan ang pampitong panalo kontra isang talo, sinolo ng Elasto Painters ang tuktok ng standings ng PBA Commissioner’s Cup para dumikit sa outright semis pagkatapos ng 11-game eliminations.

Nasa cloud 9 ang Elite matapos ang breakthrough win sa midseason conference 86-84 kontra Magnolia noon lang Miyerkoles, maangas ang umpisa ng team ni coach Bong Ramos pero naubusan pagdating ng final stanza.

Hindi napakinabangan ng Blackwater ang lider nilang si import Henry Walker na nabugbog ang balikat, tumagal lang ng 7:32 sa laro at nakapagsumite ng 2 points at 3 rebounds.

Umuulan sa labas ng Big Dome, pati sa loob ay umuulan din ng 3s pinakamaangas ang pasabog ni Tiu na may apat sa fourth tungo sa 17 points. Lahat ng basket ni Tiu ay galing sa labas ng arc mula 5 of 8 clip. Namigay pa siya ng 10 assists at may 7 rebounds.

Pinangunahan ng 26 points at 11 rebounds ni Raymond Almazan ang RoS, may tig-17 din sina Reggie Johnson at Mave­rick Ahanmisi. Nagbaba pa ng 20 boards si Johnson.

“Credit to Blackwater. Their import was injured, their locals gave us a hard time,” bulalas ni Painters coach Caloy Garcia.

Nagpasakit sa ulo ng Painters si Allein Maliksi na 5 for 8 din sa 3s tungo sa 23 points, at si Nard Pinto na perpektong 4 for 4 sa labas ng arc tungo sa 16 points.