Abante Tonite Interactive

TNVS driver-operator hihigpitan sa LTFRB registration

358

Lalo pang hihigpitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRB) ang pagbibigay ng Certificate of Public Convenience (CPC) sa mga nagnanais na maging operator o driver ng Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Sabi ng Department of Transportation (DOTr), mahalaga na may tamang registration ang mga TNVS para sa kaligtasan at seguridad ng mga pasahero.
Ayon sa DoTr, nakapag-isyu na ang LTFRB ng CPC o provisional authority para sa 40,522 na TNVS unit at 29,714 sa mga ito ay mga provisional authority lamang.

Hinihikayat ng DOTr ang mga nais ng prangkisa para maging TNVS na personal na maghain ng kanilang aplikasyon dahil pinapatunayn ito na sila ay mga responsableng nilalang na bagay sa public service.

“An absentee applicant would not augur well for this purpose,” sabi pa ng DOTr.

Para sa mga hindi personal na mag-aayos ng kanilang mga dokumento, papayagan sila ng LTFRB kung malapit na mga kamag-anak ang maglalakad nito at dadalo sa hearing para sa aplikasyon ng CPC. Mahalaga na ang pagpupunta sa hearing ng CPC sakaling magkaroon ng reklamo mula sa mga pasahero tungkol sa paglabag ng prangkisa.

Para sa mga umutang para makakuha ng sasakyan na ipapasok sa TNVS, sinabi ng DOTr na labag sa patakaran ng mga bangko kung hindi nila pinaalam na inuutang nila ang mga sasakyan para maging TNVS.

Gayunman, sinabi ng DOTr na nakikipag-ugnayan na ito sa mga bangko para maisaayos ang problema sa bank conformity ngunit nilinaw nitong ang mga kukuha ng bagong utang ay kailangang dumaan sa tamang proseso.

Sinabi ng DoTr na hindi nila ninanais na mawalan ng kabuhayan ang mga aplikante para sa TNVS ngunit kailangan nilang sumunod para magkaroon sila ng pananagutan sakaling magkaproblema o magkaroon ng aksidente. (Eileen Mencias)