Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘To Saudi with Love’

0 143

Sakabila ng sangkaterbang kabuwisitan na nangyari ngayong 2020, may dahilan mga tropapips para magningning at mapangiti ang mga OFW na nagtatrabaho at magtatrabaho pa lang sa Saudi Arabia pagdating sa 2021.

Mukhang swak sa banga para sa mga OFW sa KSA ang kasabihang “light at the end of the tunnel” o kaya naman eh “silver lining” dahil sa Marso 2021 ay inaasahang luluwagan na ng pamahalaan ng KSA ang kanilang patakaran sa mga dayuhang manggagawa at aalisin na nila ang sistemang sinasabing pang-alipin na “kafala.”

Sabi ng kurimaw nating mahilig mag-jacket na maong at gintong kuwintas pero hindi naman nanggaling sa Saudi, mistulang pag-aari ng “amo” ang isang dayuhang manggagawa sa “kafala” system dahil siya ang lumilitaw na “sponsor” ng manggagawa para makapagtrabaho sa kanilang bansa.

Linawin lang natin mga tropapips na ang gagawing pag-alis ng KSA sa kafala ay para sa lahat ng dayuhang manggagawa na nasa kanilang bansa–at kabilang siyempre diyan ang mga OFW na tinatayang nasa mahigit 800,000.

Dahil nga sa kafala, hindi basta-basta makakaalis ang isang manggagawa sa kaniyang amo kahit pa abusado ito. Yung bang tipong gustong palabhan ang brief sa kasambahay kahit suot pa niya. O kaya he magpapasabon ng likod kahit hindi naman naliligo ang ogag.

At bago makalabas ng bansa ang isang dayuhang manggagawa na katulad ng OFW, aba’y kailangan pa niyang kumuha ng “exit visa” sa kaniyang amo. Papaano kung nagtatago ang amo dahil hindi niya pinagbigyan ang trip nitong kumain ng ubas na nasa kaniyang bibig?

Kaya naman ikinatuwa rin ng Department of Foreign Affairs ang naturang hakbang ng KSA dahil isa sa mga nagiging sagabal upang maiuwi sa Pilipinas ang mga tumatakas na OFW sa mga abusado nilang amo ay dahil sa hirap na kumuha ng exit visa. Kadalasan, kailangan pang bayaran ang mga wais na amo para lamang magbigay ng exit visa at makauwi ng bansa ang kawawang OFW.

Kaya marami sa mga dayuhang manggagawa sa KSA, lalo na ang mga kasambahay ay mistulang nagiging alipin at sunod-sunuran sa kanilang amo dahil sa kafala system na ito. Kasi nga, kung tapos na ang kontrata ng manggagawa sa kaniyang amo at nais na nitong lumipat ng ibang amo, aba’y hindi pa rin basta-basta magagawa hangga’t walang exit visa sa kaniyang kasalukuyang amo.

Ang mga opisyal ng KSA, ipinagmamalaki na isang malaki at importanteng patakaran ang kanilang ginawa dahil nga raw sa pagpapahalaga nila sa mga dayuhang manggagawa sa kanilang bansa na tinatawang nasa 10 milyon.

Sana nga eh magtuloy-tuloy na ang reporma maging sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan na may katulad na sistema ng kafala para makapagsimulang muli ang mga manggagawa matapos ang pesteng COVID-19 pandemic na ito.

At kasabay ng nalalapit na pagbasura ng KSA sa kafala na gagawin sa Marso 2021, maraming bansa na rin sa Gitnang Silangan ang unti-unti nang tumatanggap muli ng mga manggagawang Pinoy.

Ang mga marino o tripulanteng Pinoy na sea-based OFWs, unti-unti na ring ipinapatawag ng kanilang mga agency at marami-rami na rin ang nakabalik sa trabaho. Katunayan, sa isang ulat nga ng Department of Labor and Employment, sinabi nito na noong Setyembre eh umabot sa mahigit 46,000 na Pinoy seafarers ang naipadala sa ibang bansa.

Kaya sa mga “bagong bayani” natin na nananatili pa sa Pilipinas dahil sa perwisyong made in China na COVID-19, stay alive lang muna ika nga, tiis-tiis pa rin muna, at i-enjoy na kapiling ang pamilya. Dahil malay ninyo, sa unang araw ng Enero eh lumipad na uli kaya sa ibang bansa para muling kumayod ng dolyar. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.