Abante Tonite Interactive

TOGA: Simbolo ng tagumpay

0 265

julius-segovia

Graduation season na naman. Walang dudang ‘yan ang inaasam-asam ng lahat ng estudyante – ang umakyat sa entablado, suot ang toga – hudyat ng kanilang pagtatapos.

Iba ang pakiramdam kapag nakasuot ka ng toga. Para sa akin, simbolo ito ng tagumpay. Sa wakas, tapos na ang pagsusunog mo ng kilay. Isa ka nang ganap na graduate.

‘Yun nga lang, hindi lahat ng graduates nakapagsusuot ng toga dahil sa kakapusan ng pera. May bayad kasi ito, bukod pa sa graduation picture na kailangan ding bayaran ng mga bata.

Nito lang isang linggo, nag-trend sa social media ang isang guro mula sa Kiblat Elementary School sa Malungon, Sarangani Province. Sariling pera ang ginasta ni Teacher Virgita Diaz pambili ng toga at cap para sa moving up cere­monies ng kanyang mga estudyante.

Umani ng papuri mula sa netizens ang kabutihang ipinamalas ng guro. Ayon kay Teacher Virgita, mga magulang ang nagdesisyong toga ang ipasuot sa kanilang mga anak, pero hindi lahat kayang magrenta. Kaya sariling pera na ang ginastos niya na uma­bot sa mahigit pitong libong piso.

Paano nga ba nagsimula ang pagsusuot ng toga?

Base sa mga pag-aaral, sa Europa nagsimula ang pagsusuot ng toga sa pagitan ng ika-labindalawa at ika-labintatlong siglo. Isinuot daw ito ng mga estudyante noon bilang panangga sa malamig na panahon. Kaya mahaba ang toga na sinamahan pa ng cap o hood.

May mga nagsasabi namang sa Colombia ito nagsimula kung saan isinusuot ang toga upang ipakita ang pagkakaiba-iba ng relihiyon ng mga mag-aaral. Dahil dinala ng mga Amerikano ang formal education sa Pilipinas, unti-unti na rin nating niyakap ang ganitong kaugalian.

Karaniwang below-the-knee ang haba ng toga. Nakadepende naman ang kulay nito sa kursong natapos. Ang mga highschool student, karaniwang puti ang toga. Itim naman sa mga nagtapos sa kolehiyo.
Ang sa akin lang, dahil bahagi na ng pagtatapos
ng pag-aaral ang pagsusuot ng toga – marapat lang na pag-ipunan din natin ito. Huwag nating ipagkait sa mga bata ang kaligayahang makapagsuot nito, tanda ng pagpupunyagi nila sa eskuwelahan.